Panibagong sakit sa ulo ang kakaharapin ng mga Pilipinong nais mag-relax sa ibang bansa dulot ng mga bagong requirements na hihingin bago payagang makaalis ng bansa.
Nitong Martes ay inianunsyo ng Inter-Agency Council Against Trafficking o IACAT ang mas mahigit na palatuntiunin sa mga Pilipinong nais mag-abroad.
Ito umano ay paraan ng gobyerno upang masawata ang human trafficking na talamak pa rin hindi lang sa bansa, kundi pati na rin sa mga karatig-bansa.
Sa dating sistema, ang mga hahanaping dokumento lamang ng mga immigration officers ay pasaporte na valid hanggang anim na buwan mula sa araw ng pag-alis; visa kung required sa bansang pupuntahan; boarding pass; at confirmed return o round trip ticket.
Ngayon, ang mga nais mag-travel abroad (self-funded) ay hahanapan ng roundtrip ticket, at hotel booking accommodation.
Kailangan din ideklara ng mga pasahero ang kanilang financial capacity o pinagkakakitaan kasama ang dahilan ng pagpunta sa bansang pupuntahan.
Kasama rin sa additional requirement ang proof of employment.
Kung kamag-anak naman ang sasagot ng biyahe mo abroad, kailangan mong magpakita ng original birth certificate mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Marriage certificate naman kung asawa mo ang mag babayad ng biyahe mo.
Kailangan pa rin magpakita ng confirmed roundtrip ticket.
Kailangan mo magpakita ng kopya ng valid passport, valid work visa o residence permit, at overseas employment certificate ng sponsor mo.
Kung ikaw naman ay ba-biyahe abroad na sagot ng kamag-anak, kailangan mong magpakita ng original Affidavit of Support and Guarantee; confirmed roundtrip ticket; at original PSA-issued birth certificate o anumang katibayan na magpapakita ng relasyon mo sa taong magbabayad ng biyahe mo.
Ilan lang ito sa mga requirements na dapat mong ihanda kung babalakin mong mangibang-bansa.
Wala tayong problema sa mga hakbang ng gobyerno para mapigilan ang human trafficking na nanatiling malaking problema sa bansa.
Ang akin lang, kung magkakaroon ng mga programa para masawata ang mga problema tulad ng human trafficking, hindi sana maapektuhan o magdulot ng problema sa maraming Pilipino ang mga ito.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, may karapatan ang mga Pilipino na makabiyahe.
Kung susuriin nang maigi, malalim ang ugat ng problema ng human trafficking sa bansa.
Kahirapan, kakulangan sa edukasyon at maraming pang iba ang dahilan kung bakit may nabibiktima pa rin ng human trafficking sa bansa.
Sa mga nagdaang raid sa mga POGO hubs sa bansa, nakita natin kung gaano karami ang hinihinalang biktima ng human trafficking.
Sa halip na magdadagdag ng mga requirements na sa tingin ko ay hindi naman kailangan, bakit hindi natin pagtibayin muna ang kasakuluyang sistema na meron ang Bureau of Immigration (BI)?
Hindi ba’t ilang kontrobersiya na ang kinasangkutan ng mga tauhan at ilang opisyal nito na kung tutuosin ay first line of defense sana ng mga Pilipino.
Paano tayo makakasiguro na hindi magagamit sa masama ang mga bagong polisiya ng IACAT lalo’t nag viral pa nga ang pagpa-powertrip ng ilang tauhan ng BI?
Sino ang magbabantay sa mga opisyal na BI na maaaring gamitin sa masama ang bagong polisiya?
Sa mga nagdaang problema kung saan sangkot ang mga tauhan ng BI, taong-bayan ang talo.
Sa pagpapatupad ng bagong polisiya, taong-bayan pa rin ba ang magtitiis kung made-delay at magbabayad ng rebooking fees ang mga Pilipino na nais lamang maka-experience ng ibang kultura ng ibang bansa?