Posibleng magharap sa 2025 Taguig mayoralty elections ang ‘mortal’ na magkatunggali na sina Makati City Mayor Abby Binay at Taguig City Mayor Lani Cayetano.
Ito’y matapos ihayag ni Binay na isasangguni niya sa kanyang asawa at anak ang aniya’y mahirap na desisyon na kumandidato sa pagka-alkalde ng Taguig.
“Pero hindi pa po ako nakakapagdesisyon dahil magiging mabigat at mahirap na task ang tumakbo sa Taguig sapagkat una, hindi po ako pamilyar sa lugar , although meron po tayong magandang maibibigay at magagawa para sa lungsod na ‘yun,” ani Binay sa panayam sa media kahapon nang mamahagi ng school supplies sa may 45,000 estudyante ng 14 public schools sa Fort Bonifacio—Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Northside, at Southside.
“Pero kailangan po magmuni-muni nang mabuti, kailangan kausapin ko ho yung asawa’t anak ko because it will be a difficult decision to make, running for Taguig,” dagdag niya.
Nabatid na binigyan ng go signal ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang pamimigay ni Binay ng school supplies sa mga paaralang sakop na ng Taguig,kahit pa may desisyon na ang Supreme Court na wala ng hurisdiksyon ang Makati sa mga naturang barangay.
Sabay-sabay na nagsigawan ng “Abby, Abby” ang mga magulang at mga estudyante, ang iba’y nag-iyakan nang dumating si Abby at kanyang entourage dakong alas-dos ng hapon, ang iba’y niyakap pa ang alkalde.
Nang tanungin si Binay kung ano ang magiging kapalaran ng 14 public schools na dating sakop ng Makati, sinabi ng alkalde na pauupahan nila ito sa Taguig dahil may titulo ang Makati sa lupang kinatitirikan nito at gagawa sila ng paraan upang makuha ang Makati Science High School na okupado ng mga estudyante ng Makati.
Lahat aniya ng mag-aaral sa Makati ay scholars at ang mga ay mataas na grado ay binibigyan ng insentibo.
“They are all scholars by the city government, proof that we are giving all their needs from head to foot,” anang alkalde.
“Totoo naman po ang sinasabi ng aming Mayora Abby Binay, talagang ibinibigay niya ang lahat ng pangangailangan ng mga estudyante pati na ang mga senior citizens,” sabi ng isang magulang.
Sa isang paskil sa Facebook, sinabi ni Binay na may “last minute attempt” mula sa Taguig upang pigilan ang pamamahagi ng school supplies.