Posibleng magpatupad ng provisional roll back ng taxi fare ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kapag bumaba ang presyo ng langis at produktong petrolyo, gaya noong 2018.
“Puwede naman ‘yun meron naman pong way back po merong mga ganong petition na ginawa na provisional roll back yung fare may mga nangyari na pong ganyan,” sabi ni LTFRB Technical Division Head Joel Bolano sa programang Sa Totoo Lang sa One PH kagabi.
Kapag bumaba aniya ang fuel prices, kung minsan ay nagkukusa na ang mga transport group na maghain ng petisyon para sa roll back tulad ng naganap noong 2018
Napaulat kamakalawa na humirit ng P70 flag down rate sa taxi ang ilang transport groups dahil sa pitong beses na ipinatupad na oil price hike.
Ngunit kailangan maghain ng formal petition para sa fare hike upang maitakda ang pagdinig sa LTFRB at mapakinggan ang stakeholders, pati ang National Economic and Development Authority (NEDA).
Bagama’t kailangan kumita ng maayos ang mga operator at driver ng taxi para buhayin ang kanilang pamilya, maliban sa fare hike, kailangan isaalang-alang ng LTFRB ang panawagan ng ibang transport groups na ibasura ang Oil Deregulation Law at Fuel Excise Tax bilang solusyon sa patuloy na paglobo ng presyo langis at produktong petrolyo.