Inamin ni Agriculture Undersecretary Mercedita Sombilla na mahirap maibaba sa P20 ang presyo kada kilo ng bigas sa susunod na taon.
Ginawa ni Sombilla ang pag-amin sa deliberasyon sa Kamara de Representantes sa panukalang P181 bilyong budget ng Department of Agriculture (DA) para sa 2024 kahapon.
Tinanong ni Kabataan party-list Raoul Manuel si Sombilla, kung kayang maibaba sa P20 ang per kilo ng bigas sa susunod na taon.
Tugon ni Sombilla, “Baka mahirap po.”
Campaign promise ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ibaba sa P20 ang bawat kilo ng bigas.
Sa ngayon, sinabi ng mga opisyal ng DA na dumalo sa budget deliberation na naglalaro sa P40 hanggang P60 ang per kilo ng bigas.
Inihayag ni Sombilla sa naturang pagdinig, na manipis ang rice buffer stock sa buwan ng Setyembre, kaya kailangang mag-angkat ng bigas na inaasahang darating sa kalagitnaan ng susunod na buwan.
“Manipis po kasi ang ating [rice] buffer [stock], and we are in the lean months. Naghaharvest pa lang tayo,” ayon kay Sombilla.
“The peak harvest time is mid-October to November, so we are hoping to get imports this month, up to September 15, to stabilize local prices.” dagdag ng opisyal.
Noong nakaraang Mayo, inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tumatayo ring kalihim ng DA, na inaprubahan niya ang Masagana Rice Industry Development Program (MRIDP), na layuning palakasin ang aning palay sa bansa.
Target ng pamahalaan na maging 97% rice sufficient ang bansa sa 2028, na pagtatapos ng kaniyang termino bilang pangulo.