Ipinagbabawal ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Garcia na sinomang mahuhuling may bitbit na P500,000 pataas o may transaksyon sa electronic wallets sa 20 katao ay itinuturing na sangkot sa vote buying.
Ayon kay Garcia, magpapatupad ang poll body ng “money ban” limang araw bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa 30 Oktubre.
Bahagi aniya ang money ban sa pagsusumikap ng Comelec na maiwasan ang vote buying at iba pang paglabag na may kinalaman sa BSKE.
Makikipagtulungan aniya ang Comelec sa Philippine National Police (PNP) para sa implementasyon ng money ban.
Sinabi ni Garcia na magsasagawa ang poll body ng checkpoints at iinspeksyunin ang mga sasakyan upang matiyak na walang magdadala ng malaking halaga ng cash.
Ngunit pangamba ng ilang observers, maaaring magamit ang money ban sa “hulidap operation” ng ilang tiwaling pulis.
Giit ng poll body, ang messengers, cashiers, at iba pang mga kawani na ang trabaho ay may kinalaman sa paghahatid ng salapi para sa kanilang mga kompanya ay exempted sa money ban.
Kailangan lamang umano nilang ipakita ang company ID bilang ebidensya ng kanilang employment.