NAKIISA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa sambayanang Pilipino sa paggunita ng ika-40 anibersaryo ng pagpaslang kay dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
Hinimok ni Marcos Jr. ang publiko na isantabi ang tunggalian sa politika at magkaisa para sa kapakanan at pag-unlad.
“I stand united with all Filipinos worldwide in commemorating the Ninoy Aquino Day. By standing for his beliefs and fighting for battles he deemed right, he became an example of being relentless and resolute for many Filipinos,” sabi ni Marcos Jr. sa isang mensahe.
Alinsunod aniya sa isinusulong na pagkakaisa at maunlad na bansa, nais ni Marcos Jr. na baklasin ang mga balakid na pumipigil sa atin upang tiyakin ang komprehensibong kapakanan at pagsusulong ng sambayanang Pilipino.
“In our purposive quest for a more united and prosperous Philippines, let us transcend political barriers that hamper us from securing the comprehensive welfare and advancement of our beloved people,” dagdag ng Pangulo.
Giit ni Marcos Jr, ang pagmamahal sa bayan ang giya na makatutulong sa bansa upang pairalin ang mapayapang kapaligiran.
“Let us allow this compelling force to promote collaboration, celebrate diversity, and create a society that is teeming with vitality and inspiration,” aniya.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Marcos Jr. ang mga Pilipino na gawing insipirasyon ang pagsusumikap ng pinaslang na senador na ipaglaban ang kanyang prinsipyo.
Si Aquino ay binaril sa tarmac ng Manila International Airport (MIA), 40 taon na ang nakakaraan at ipinangalan sa kanya sa kalaunan ang paliparan, matapos siyang bumalik mula sa Amerika.
“As we take measured yet realistic strides towards progress, let us allow our steadfast spirit to drive us to uplift every Filipino and build an inclusive and more progressive Philippines,” sabi ni Marcos Jr.
Alinsunod sa Republic Act 9256, ang ika-21 ng Agosto kada taon ay idineklarang Ninoy Aquino Day.