Ang Mexico ang magsisilbing huling pagsubok ng Gilas Pilipinas bago sila sumabak sa FIBA World Cup na sisimulan sa Biyernes sa 55,000-seater Philippine Arena.
Dumating na ang Mexico nitong Linggo at maghahanda sa paparating nilang tune up game laban sa Pilipinas.
Mainit ang ipinakita ng Mexico sa kanilang mga nakaraang tune up games, kung saan nanalo sila ng pito sa walong laro, kabilang na ang laban sa Columbia, Argentina, Angola at Portugal sa magkakahiwalay na pocket tournaments sa Liga Nacional at King’s Cup.
Tinalo rin ng Mexico ang Egypt, 77-71, at Lebanon, 88-70, sa Abu Dhabi.
Ang tanging pagkatalo lang ng Mexico ay ipinalasap ng Jordan, 86-72.
Ang mga Meksikano ay magsisilbing matinding pagsubok para sa Pilipinas na puspusan ang paghahanda FIBA World Cup, pero ito ang gusto ng kanilang coaching staff sa pamumuno ni head mentor Chot Reyes.
Magiging magandang hamon ang Mexico para sa Gilas dahil halos ganitong klaseng laro rin ang kanilang mararansan sa pagharap sa Dominican Republic, ang unang team na makakasagupa ng ating koponan sa 25 Agosto.
Marami sa mga miyembro ng Mexico ang kasalukuyang naglalaro sa Europa at iba pa rito ay may karanasang makapaglaro sa National Basketball Association.
Isa si Pako Cruz, isang 6-foot-3 guard, ang sinasandalan ng Mexico.
Naglaro si Cruz ng walang laro sa FIBA World Cup Qualifiers kung saan may average siya ng 17 points at 3.9 assists kada laro.
Sa kasalukuyan, si Cruz ay naglalaro sa Turkey.
Ang iba pang mga inaasahan ng Team Mexico na gagabayan ni Omar Quintero ay sina Paul Stoll, Jorge Gutierrez, Orlando Mendez, Hector Hernandez at Israel Gutierrez, mga pawang miyembro na ng kopona mula pa noong sumabak sila sa 2014 edition ng World Cup sa Seville, Spain.
Si Stoll ay isang 5-foot-11 Mexican-American guard na naging leader sa assist sa Mexican League noong isang taon.
Si Gutierrez ay 6-foot-3 guard na dating NBA player na naglaro para sa mga koponan ng Brooklyn Nets, Milwaukee Bucks at Charlotte Bobcats bago tuluyang pumailanlang at dalhin ang kanyang talento sa Europa.
Naglaro rin si Gutierrez sa Italy, Spain, Germany at Greece bago muling namirmihan sa Mexico.
Si Mendez ay six-foot guard na naglaro sa Western Kentucky sa US NCAA Division 1.
Sanay naman sa banggaan sa ilalim si Hernandez, isang 6-foot-9 center/forward na naging teammate ni Mendez para makopo ang FIBA Americas League championship mahigit isang dekada na ang nakalipas.
Ang Mexico na nanalo ng pito sa walong tune up games ay isang team na hitik sa mga beterano kung saan solido ang teamwork na kanilang pinaiiral.
Pagkatapos ng tune up game sa Mexico, ilalabas na ng Gilas ang final 12 line up para sa FIBA World Cup bago dumating ang team managers’ meeting sa 23 ng Agosto.