Isang academic ang pumuri kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang paggamit sa 2016 arbitral ruling na pumapabor sa Pilipinas hinggil sa isyu sa West Philippine Sea.
Ayon kay Prof. Richard Heydarian, ang 2016 arbitration award na sinasabi ng ilan na isa lamang pirasong papel na walang halaga ay walang katotohanan at dagdag niya, simula nang ilabas ang arbitration award, hindi na gumagamit ang China ng nine-dash line.
“So actually it worked in a sense that China is not using nine-dash line,” saad ni Heydarian. “So, hindi po totoo na hindi gumana iyong arbitration award – it gave us a leverage.”
“Ang totoo naman is hindi natin na-maximize itong leverage na iyan and for me, in fairness naman kay President Marcos, I think he recently mentioned that we are talking to… potentially do what Indonesia and Vietnam (are) doing which is you know maritime border delimitation based on prevailing international law,” pahayag pa niya.
Panawagan naman ni Heydarian na sa kasalukuyang sitwasyon huwag na sanang gawing partisan issue ang West Philippine Sea.
Sabi pa niya, dapat magkaisa ang sambayanang Filipino at isulong ang pagpapatupad sa arbitral ruling na naaayon international law or the United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Idinagdag niya na maging ang Vietnam, Malaysia, at Indonesia ay direkta o hindi direktang gumagamit ng 2016 arbitration award patungkol sa mga banta ng China at gayundin sa pagtatanggol sa kanilang mga claim dahil nakikita nila ang halaga ng ating ginawa.
“At iyong ibang bansa – India, Japan, Europe even though hindi nila sinasabi na freedom of navigation operations kahit hindi sila pumapasok sa loob ng 12 nautical miles sa mga Chinese fake islands they’re still moving in the area to show na hindi lang Amerika ang hindi natutuwa, hindi lang tayo,” dagdag pa ni Heydarian.