Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Linggo na huhulihin na ng kanilang mga enforcers ang mga motorcycle riders na gagamit ng bicycle lane sa kahabaan ng EDSA mula Agosto 21.
Sinabi ng MMDA na hindi na umano magamit ng ilang bike riders ang lane na nakatalaga sa kanila dahil sa dami ng mga motorsiklong dumadaan dito.
“Ang bike lane ay hindi fast lane para sa mga motorcycles. Simula bukas, Agosto 21, huhulihin na ang mga nagmomotor na gagamit ng bicycle lane sa EDSA,” sabi ng MMDA sa isang pahayag.
Dagdag pa nito, pagmumultahin ng P1,000 ang mga magkakamaling motorcycle riders dahil sa pagbabalewala sa mga traffic signs.
Nitong nakaraan ay sinabi ng MMDA na possible nitong buksan ang bago nitong programa na pagbibigay ng libreng training sa mga motorcycle-riding enthusiasts ngayong buwan.
Ayon kay MMDA acting chairperson Atty. Romando Artes, nasa final stage na ang konstruksyon sa mga classroom para sa mga sasabak na rider at sa inisyal na plano, 100 riders ang tatanggapin sa bawat batch na sasalang sa training course.
Bawat batch ay sasalang sa dalawang araw na training para sa iba’t ibang aspeto ng motorcycle-riding na unang inihanay ng kanilang mga eksperto.
Naniniwala naman si Artes na sasamantalahin ito ng mga motorista na silang pangunahing mabebenepisyuhan sa bagong proyekto ng MMDA.