Kung hindi umentra sa “picture” si Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte malamang sa hindi ay maaapektuhan ang pagbubukas ng klase sa 14 na pampublikong paaralan sa 10 enlisted men’s barrio (EMBO).
Ang laking pasalamat ng mga magulang sa mabilis na pag-entra ni Inday Sara sa bangayan sa paaralan dahil hindi na mabibitin ang pamimigay ng uniporme at school supplies ng kanilang mga anak na ayaw ipabigay ni Mayor Lani Cayetano dahil “kaya” naman daw nilang ibigay ito ng unti-unti.
Yun naman pala eh, kaya naman pala. Unti-unti nga lamang kasi hindi pa siguro nakalagay sa budget nila ang school supplies sa bago nilang residente.
Pero sana naman Mayor, payagan niyo ng pansamantalang gamitin ng mga learners ang uniporme at iba pang school supplies galing kay Mayora Abby dahil magiging kawawa naman sila sa pasukan.
Ayon sa aking impormasyon, sinabihan daw ang mga magulang ng mag-aaral sa EMBO na magsuot na lamang ng puting T-shirt at itim na pantalon at magdala ng ballpen at papel.
Maging considerate naman po tayo, kung meron man sigalot sa pagitan ng dalawang lungsod, ipagpaliban muna sana at mag-usap sila ng katulad ng isang sibilisadong mga lider.
Hindi naman po mareresolbahan ang problema kung magpapataasan kayo ng “ihi” kasi ang kapakanan ng mga residente first and foremost ang dapat bigyan ng malaking pansin.
Okay, parehong nagsasabi na concern sila sa mga tao pero nalilito ang mga ito dahil tila baga nagpapagalingan, huwag naman.
Natuwa naman itong si Mayora Abby sa desisyon ni Inday Sara na isailalim sa pangangasiwa ng DepEd ang lahat ng paaralan at anumang aktibidad ay dapat ipaalam ng Makati at Taguig sa kanyang tanggapan.
Parehong sumang-ayon ang magkabilang panig sa Status quo na nangyari kaya’t maibsan ang pangamba ng mga residente ng EMBO.
Well, hindi naman kasi magkakaroon ng kaayusan kung hindi maghaharap ng parehong malamig ang ulo.
Sabi nga ni DILG Sec. Benhur Abalos kailangan ng writ of execution bago ang takeover at ito rin naman ay sinusugan ng Supreme Court Office of Court Administrator.
Pero ang sabi ng Taguig, ang OCA opinion “is just an opinion and it would not be stronger than the Supreme Court ruling that EMBO is under the jurisdiction of Taguig and it is final and executory.”
Yes it is final and executory but there should some semblance of diplomacy in implementing the ruling, para naman hindi nabibigla ang mga residente sa biglang dagsa ng mga taong hindi nila kilala at pati ang kapitan ng isang barangay ay harangin habang ito ay sakay ng kotse papunta sa kanyang tanggapan.
Kung hindi sa malalamig ang ulo malamang nagkaroon ng komprontasyon dahil lamang sa over-eager na mga taong gustong iparamdam na ang EMBO ay kanila na.
Fine, sa inyo ang hurisdiksiyon as per the SC ruling, pero kung aasta tayo na parang gustong yumukod sa kanila ay hindi naman yata tama, ayon sa isang dating sundalo at senior citizen.
Mali naman nga na ang mga Traffic Enforcers ay harangin ang isang halal na opisyal ng barangay at sabihing bawal pumasok sa kalye dahil darating ang kanilang Mayora.
Sana huwag pong ganoon, if we want to gain the respect of the residents show some respect also, hindi po ba?
Kasi kung ang alagang hayop nga kapag sinaktan ay kakagatin ang kanilang amo, tao pa kaya?
So let us conduct ourselves with respect to the residents to avoid animosity. Please Lang po.