Inaresto ng mga otoridad ang isang babaeng nagpanggap umano bilang nurse sa isang pampublikong ospital matapos mahuli na kumuha ng isang bagong silang na sanggol sa Binangonan, Rizal nitong nakaraan.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari umano ang insidente noong nakaraang Huwebes kung saan may nag-ulat sa mga otoridad kaugnay sa isang nawawalang sanggol na dalawang araw pa lamang mula nang ipanganak.
Base sa kuha ng CCTV ng pampublikong ospital, makikita umano ang suspek na nakauniporme habang naglalakad sa pasilyo at sa mga sumunod na kuha ay nakitang nagpalit ng damit ang suspek at may bitbit na rin siyang sanggol.
Sa iba pang kuha ng CCTV, makikita naman na sumakay siya ng tricycle dala-dala ang sanggol.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na hindi tunay na nurse ang babaeng nakaunipormeng nurse.
“Pumunta po siya sa bayan at doon po makikita na noong sumakay po uli siya ng tricycle, iba na ang kaniyang suot. So kung susundan po natin ‘yung events, tatlong beses po siya nagpalit ng sasakyan, ng tricycle, at tatlong beses din po siyang nagpalit ng damit,” sabi ni Philippine National Police Rizal public information office chief Police Captain Mariesol Tactaquin.
Dagdag niya, nakatulong na nagtanggal ng mask ang suspek sa isa sa mga sinakyan niyang tricycle, kaya agad nagpakalat ng larawan ang mga pulis sa mga kalapit na barangay.
Dito na nakilala ng isa sa mga kagawad ang babaeng suspek, na nadakip madaling araw ng Biyernes.
“Last November, nakaranas po ito ng miscarriage. Ang ating suspek po ay nakunan at hindi niya po pinagtapat sa kaniyang family ‘yung nangyari sa kaniya. Instead nag-pretend siya na still siya ay buntis, hanggang sa naganap na nga po ‘yung incident ng kidnapping,” sabi ni Tactaquin.
Na-inquest na nitong Biyernes ang suspek na nahaharap sa reklamong kidnapping at agad namang naibalik ang sanggol sa kaniyang mga magulang, na tumanggi nang magbigay ng pahayag.