Mabuti naman at pumagitna na ang Department of Education para pahupain ang tensyon sa territorial dispute sa pagitan ng Makati at Taguig kung saan labis na maaakpetuhan ang paghahatid ng edukasyon sa mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa EMBO barangays dahil sa patuloy na pagtatalo ng dalawang lungsod.
Sa inilabas na DepEd Order nitong nakaraang araw lamang, sinabi ng kagawaran na pansamantala muna nitong pangangasiwain ang labing-apat na mga paaralan habang binubuo pa ang transition plan.
“Pursuant to its mandate to provide a safe and enabling learning environment, and in the pursuit of protecting the best interest and welfare of our learners, teachers and non-teaching personnel, the DepEd has issued DO 23, s. 2023 which provides that the Office of the Secretary shall directly supervise the management and administration of all 14 schools, pending a transition plan, effective immediately,” ang sabi ng DepEd sa opisyal na pahayag nito.
Bago ito, naging mainit ang tensyon sa pagitan ng dalawang lungsod nang pasukin ng Taguig ang nasabing mga eskwelahan na ngayo’y nasa ilalim na ng kanilang hurisdiksiyon kung saan nagsagawa sila ng Brigada Eskwela na mariin namang tinutulan ng Makati dahil hindi pwede na basta na lamang sila susugod at papasukin ang nasabing mga paaralan na walang kaukulang dokumento para i-take over ang mga ito.
Sa bisa kasi ng isang memorandum na inilabas ng DepEd-NCR ay agad-agad na tinake-over ng Taguig ang nasabing mga eskwelahan bagama’t nakasaad lamang doon ang paglilipat ng supervision at management sa mga school personnel kabilang ang mga guro at hindi yung mga ekskwelahan.
Malinaw po ang nakasaad sa memorandum na tanging personnel lamang ng nasabing mga eskwelahan ang ililipat na sa ilalim ng pangangasiwa sa Schools Division Office ng Taguig at Pateros mula Schools Division Office ng Makati. Bakit kanyo? Kasi DepEd employees o national government employees ang mga guro at non-teaching personnel.
So, ganitong aspeto eh talaga namang may punto ang Makati kasi ang pinag-uusapan po dito ay mga eskwelahan kung saan sila ang tunay na nagmamay-ari.
Sa madaling sabi, nasa hurisdiksiyon lamang ng Taguig ang kinatatayuan ng mga eskwelahang ito kung kaya’t ang magiging address na nito ay Taguig na.
Magkaiba po kasi ang jurisdiction sa ownership. So, ibig sabihin hindi po pwedeng angkinin ng Taguig ang mga pasilidad katulad ng mga paaralan na itinayo ng Makati na ngayo’y nasa ilalim na ng kanilang hurisdiksiyon. Pondo ng lungsod o taxpayers’ money ang ginamit sa pagpapatayo ng mga gusaling ito.
Isa pa, nakapangalan sa lokal na pamahalaan ang titulo ng lupang kinatitirikan ng mga gusaling ito, kaya malabo na maging pagmamay-ari ng Taguig ang mga ito.
Sinabi naman ng Taguig na pinatatagal ng Makati ang transition nang hilingin ng huli na maglabas muna ng writ of execution ang Taguig bago i-take over ang mga pasilidad na ngayo’y nasa ilalim na ng kanilang hurisdiksiyon. Pero sinabi ng Taguig na hindi nila kailangan pang magpakita ng writ of execution dahil sapat na umano ang naging desisyon ng Korte Suprema na pagmamay-ari na nila o parte na ng lungsod ang nasabing mga barangay.
Sinabi naman ng Makati na tinanggihan umano ng Taguig ang alok nito na ipagpatuloy pagbibigay ng mga school supplies sa mga mag-aaral.
Bongga kasi magbigay ng school supplies ang Makati kaya hangad pa rin ng mga magulang sa mga apektadong barangay na mabibigyan pa rin ang kanilang mga anak ngayong darating na pasukan dahil malaking ginhawa ito para sa kanila.
Pero itinanggi naman ito ng Taguig, anila pinaghahandaan na nila ang school supplies na kanilang ipamamahagi sa mga mag-aaral bago magpasukan. Pero pag-amin nito na uunti-untiin nilang maibigay ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral.
Ayon naman sa mga magulang mula sa mga apektadong barangay malabong mangyari ito. At kung magkakaroon man, baka sa susunod pa na mga taon.
Maganda naman pareho ang intensyon o hangarin ng mga alkalde ng mga lungsod na ito, tiyak na kapakanan lamang ng mga mag-aaral ang gusto nilang unahin. Pero sana magtulungan na lamang po sila. At ngayong pumagitna na ang DepEd sa isyung ito, inaasahan po natin na magiging smooth ang pagbubukas ng klase sa mga apektadong paaralan.