Mainit na pinag usapan sa social media ngayong lingo ang maanghang na pahayag ni Philippine Coast Guard spokesperson Jay Tarriela kung saan tinawag niyang “traydor” ang mga dumidepensa sa mga ginagawa ng China sa West Philippine Sea.
Sa kanyang post sa social media platform na X (dating Twitter), pinatutsadahan ni Tarriela ang mga Pilipinong pinagtatanggol pa ang marahas na aksyon na ginawa ng China sa mga barko ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard na nagsasagawa ng resupply para sa mga Pilipinong nasa BSP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
“If you are a Filipino, whether in government or private sector, regardless of your politics, defending and making excuses for China’s aggressive behavior should deem you unpatriotic, and a traitor to the Philippines and to our people,” ani Tariella.
Ayon sa tapagsalita ng PCG, sa mga nangyayari sa WPS ngayon, importante na magkaisa at manindigan ang mga interest ng bansa at isulong nang mapayapa ang sigalot sa pagitan ng dalawang bansa.
Iginiit rin niya na ang yaman ng WPS ay para sa mga Pilipino.
Hindi ikinatuwa ng ilang mga personalidad ang nasabing pahayag, partikular na ang mga nagtanggol sa mga ginawa ng China.
Sa isang forum sa Quezon City, binatikos ng blogger na si Sass Rogando Sassot ang pahayag.
Ayon sa kanya, hindi nakakatulong ang mga ganitong pahayag lalo’t maaring iba naman daw ang saloobin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa isyu.
Sa nasabing forum, iginiit ni Sass na ang pinakamabuting paraan para maayos ang gulo sa West Philippine Sea ay makipag usap sa China.
Isinulong rin niya ang joint exploration sa pagitan ng Pilipinas at China, sabay sabing hindi daw dapat maging “utak NPA” ang mga Pilipino at sa halip ay hayaang magkaroon ng porsyento ang China sa kung anumang makukuha sa nasabing katubigan.
Ang akin lang, hindi ba wala naman mali sa sinabi ni Tarriela.
Unang punto, kailan pa naging mali ang pagsulong sa interes ng mga Pilipino sa sarili nitong teritoryo?
Ang WPS ay para sa Pilipino, malinaw itong inilahad sa inilabas na desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong 2016.
Sa nasabing desisyon, hindi kinikilala ang “nine-dash line” claim ng China.
Ang napakahalagang desisyon na ito, nagamit sana ng Pilipinas para ipaglaban ang karapatan nito sa WPS.
Ang labis na nakalulungkot, ang nasabing dokumento ang labis na minaliit ni noo’y Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa dating pangulo, wala itong halaga at papel lamang na pwedeng itapon lamang sa basurahan.
Sa nakalipas na anim na taon, patuloy ang iligal na pangingisda at panghaharass ng mga Tsino sa mga Pilipino sa West Philippine Sea.
Pangalawang punto, hindi ko lubos maintindihan kung bakit may mga Pilipino dinidepensahan ang Tsina sa pagbuga ng tubig gamit ang water cannon sa mga barko ng Pilipinas?
Sabi ng mga pro-China, hindi daw dapat lumaban ang Pilipinas sa China dahil tiyak na matatalo ito kung sakaling humantong sa digmaan ang iringan ng dalawang bansa.
Itong naratibo na ito, ilan beses na natin narinig sa nakaraang administrasyon.
Tigilan na natin ang pag gamit dito para takutin ang mga Pilipino. Tigilan na natin ang paggamit sa naratibong ito para pigilan ang pag angkin sa mga bagay na talaga naman pagma-may ari natin.
Sa nakalipas na taon, hindi lang Pilipinas ang kaagaw ng China sa teritoryo na sakop ng South China Sea gaya ng Vietnam, Malaysia at Japan.
Pero hindi gaya sa Pilipinas, may paninindigan ang mga ito sa kung ano ang nararapat para sa mga mamamayan nila.
Huwag daw utak NPA, sabi ni Sass pero ipinagtatanggol ang Tsina na isang dating komunistang bansa. Paalala lang natin ang Chinese Communist Party ang nagtatatag ng tinatawag ngayong People’s Republic of China.
Kailan pa naging labis ang pag angkin sa isang bagay na sayo naman talaga sa umpisa pa lamang?
Sa huli, iiwan ko ang tanong na ito para sa mga mambabasa ng tabloyd na ito: Sino ang traydor?