Nagpahayag ng pagkabahala si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. kaugnay sa panukalang batas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na nagtatakda na gawing mandatory para sa military and uniformed personnel (MUP) na mag-ambag sa kanilang pension.
Inaprobahan ng Ad Hoc Committee on the military and uniformed personnel (MUP) pension na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda noong Martes ang isang “unnumbered substitute bill” na nag-oobliga sa MUPs, parehong nasa aktibo at bagong pasok sa serbisyo, na mag-contribute para sa kanilang pension.
“I do not subscribe to the proposed blanket mandatory contributions for military personnel, especially for those who have already completed at least 20 years of active service,” ani Teodoro.
Para kay Teodoro ang pagpapatupad ng mandatory monthly contributions na hindi dumaan sa transition phase ay may malaking epekto sa mga sundalo.
Sakop ng MUP pension reform ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), gayondin ang mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP0, Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP) at ang National Mapping and Resource Information Authority (NMRIA).
Ang pahayag ni Teodoro ay sa gitna ng lumalakas na ugong nang pag-aalburuto ng militar, pulisya at iba pang uniformed services, parehong aktibo at retirado, makaraang manahimik ng ilang buwan.
Ipinahiwatig ng Defense na ang pangunahing dahilan ng ‘restiveness’ ng mga unipormado ay bunsod ng substitute bill ng ad hoc committee na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda ay hindi tumutugma sa intensyon ng gobyerno.
“The President envisions a carefully transitioned introduction of any pension reform plan so that those in active service will be impacted in the least possible way,” aniya.
“As Secretary of National Defense, it is also incumbent upon me to look after the welfare of our military pensioners,” sabi ni Teodoro.
“Ensuring the non-diminution of their retirement benefits is the least we can do in recognition of their sacrifices to the country,” dagdag niya.