Sinibak ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Brigadier General Jose Melencio Nartatez Jr. si Navotas City Police chief Police Colonel Allan Umipig, ang hepe ng Navotas police at 22 pang pulis dahil sa pagkamatay ni Jemboy Baltazar dahil sa umano’y “mistaken identity.”
Inirekomenda ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (IAS) kamakalawa ang pagsasampa ng mga reklamo laban kay Umipig sanhi ng umano’y dishonesty at command responsibility.
Sinabi ni IAS Inspector General Alfegar Triambulo na ipinaabot niya ang direktibang tanggalin sa puwesto si Umipig.
Si Umipig ang umano’y nag-utos na tanggalin ang pangalan ng 11 pulis sa report kaugnay sa pagkamatay ng 17-anyos na binata, ani Triambulo.
Habang ang 11 pulis aniya ay nahaharap sa reklamo bunsod ng pag-abandona sa binata sa ilog at iba pang paglabag sa mga patakaran sa police operations.
Matatandaan noong 2 Agosto habang nasa bangka si Jemboy
para mangisda ay binaril siya at napatay ng mga pulis-Navotas habang may tinutugis na umano’y suspect sa pamamaril sa Barangay NBBS Kaunlaran.
Paliwanag ng kaibigan ni Jemboy na kasama niya nang mangyari ang insidente, tinangka nilang sumuko ngunit hindi pinakinggan ng mga pulis at pinaputukan sila kaya’t tumalon ang 17-anyos na biktima sa dagat.
Ikinatuwiran ng mga pulis na ito’y isang kaso ng mistaken identity at ilan sa kanilang nagsabing sa tubig lamang umano sila nagpaputok at hindi nila intensyong barilin si Jeboy.
Kinilala ang anim na sina Police Executive Master Sergeant Roberto Balais, Police Staff Sergeant Gerry Maliban, Police Staff Sergeant Antonio Bugayong, Police Staff Sergeant Nikko Esquilon, Police Corporal Eduard Blanco, at Patrolman Benedict Mangada.
Hindi dumalo ang mga sangkot na pulis sa unang preliminary investigation sa mga reklamong reckless imprudence resulting in homicide noong Martes at kanilang mga abogado lamang ang nagpunta.
Nahaharap din ang mga pulis sa mga kasong administratibo gaya ng grave misconduct at serious irregularity in the performance of duty.
Inihatid si Jemboy sa kanyang huling hantungan sa La Loma Cemetery kahapon.
Tiniyak ng kanyang inang si Rodaliza Baltazar na tatanggihan ang anomang alok na areglo para iatras niya ang mga kaso laban sa mga pulis na pumatay sa kanyang anak.
Inihayag ni forensic pathologist Dr. Raquel Fortun noong Sabado na may tama ng bala sa kanang kamay si jeboy , indikasyon na siya’y nagtangkang ipagtanggol ang kanyang sarili.
Nakasaad sa autopsy na si Baltazar ay dalawang beses tinamaan ng bala, isa sa ulo at isa sa kanang kamay.
Nauna rito’y napaulat na tama ng bala sa ulo at asphyxia dahil sa pagkalunod ang naging sanhi ng pagkamatay ni Jeboy.