Pinatalsik na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves, Jr. dahil sa “disorderly conduct” at matagal na hindi pagsipot sa Kamara sa kabila nang expired niyang travel authority.
Tanggal si Teves bunsod ng botong 265 pabor sa pagpapatalsik sa kanya, 3 abstentions at walang kumontra.
Nag-ugat ang desisyon ng plenaryo mula sa rekomendasyon ng House Committee on Ethics na pinamumunuan ni Coop-NATCCO party-list Representative Felimon Espares.
“The prolonged unauthorized absence of Rep. A. Teves Jr. deprives the 3rd District of Negros Oriental of proper representation and undermines the efficiency of the legislative process,” anang committee report.
“Instead of actively participating in deliberations on important legislative measures pending in the House, the representative refuses to return to the country and perform his duties as House Member,” dagdag nito.
“All these actuations of a legislative district representative weakens the institution’s effectiveness in serving the public and tarnishes the integrity and reputation of the House,” sabi sa committee report.
Mula noong Marso ay nasa labas na ng bansa si at ayaw nang bumalik dahil daw sa banta sa kanyang buhay matapos siyang iugnay ng Department of Justice (DOJ) sa pagpatay kay Negros Oriental governor Roel Degamo.
Itinanggi ni Teves ang akusasyon laban sa kanya.
Ngunit isinakdal siya sa kasong murder at iba pang na may kinalaman sa mga patayan sa Negros Oriental noong 2019.
Nilinaw ni Rizal Cong. Jack Duavit ng Nationalist People’s Coalition (NPC), kapartido ni Teves, na dumaan sa due process sa Kamara ang pagsipa kay Teves at ang kanyang matagal na pagkawala ang naging daan sa kanilang desisyon.