Umiiral ang “chaotic transition” ng 10 enlisted men’s barrios (EMBOs) sa Taguig mula sa Makati dahil sa mga lumabas na magkakaibang kautusan.
Kaya nanawagan si Makati City Mayor Abby Binay sa Department of Interior and Local Government (DILG) kahapon na makialam na upang magkaroon ng maayos na transition ng EMBOs sa Taguig City government.
“It is not too much to ask for the DILG to intervene, because it has become chaotic because of conflicting orders from the police and the DOJ. It seems it is creating more problems,” sabi ni Abby.
Nagpasya ang Supreme Court (SC) noong 2021 na ang Fort Bonifacio Military Reservation, na binubuo ng parcels 3 and 4, psu-2031, ay bahagi ng teritoryo ng Taguig City.
Noong Setyembre 2022, ibinasura ng SC ang motion for reconsideration ng Makati City na kumontra sa pasya ng Kataas-taasang Hukuman noong 2021.
Tiniyak ni Abby na hihiling siya nang paglilinaw sa isyu ng pagmamay-ari ng EMBO public schools na naapektuhan ng SC decision.
Inakusahan ng Makati City noong Sabado ang Taguig ng umano’y pagtatangkang sapilitang I-take over ang EMBO public schools, pero itinanggi ito ng kampo ni Mayor Lani Cayetano.
Binigyang diin ni Abby na ang SC ruling ay tumutukoy sa mga teritoryo ng mga siyudad at hindi sa karapatan sa pagmamay-ari ng public schools na binayaran at “owned” ng Makati.
Ang DepEd order aniya ay may kaugnayan sa mga guro lamang dahil sila’y mga empleyado ng Department of Education at hindi nito sakop ang mga pasilidad.
Hihingi rin si Abby ng klaripikasyon mula kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte upang linawin ang DepEd memorandum na naglilipat sa management at supervision ng EMBO public schools sa Division of Taguig-Pateros sa papasok na school year.
“Hopefully they will come up with a more clear DepEd order coming from the central office,” ani Binay.
Anang alkalde, ang isang local government unit (LGU) ay puwedeng magmay-ari ng property sa isang lugar sa ilalim ng hurisdiksyon ng ibang LGU, gaya ng Manila-owned South Cemetery sa Makati.
Inihahanda na aniya ng Makati ang mga kaukulang kaso na ihahain sa mga hukuman na nagnanais ng paglilinaw sa usapin.
Matatandaan, sinabi ni Makati City Administrator Claro Certeza na kailangang magkaroon muna ng Writ of Execution upang mailipat ang hurisdiksyon ng EMBO barangay sa Taguig.