Manipulado ng ilang grupo ang presyo ng bigas kaya umabot ito sa P52/kilo sa pamilihan, ayon sa grupong Bantay Bigas.
“Pumunta kayo ng palengke, talagang paikot ikot ang mga nanay naghahanap ng murang bigas, naghahanap ng kahit paano mababa sa 50 pesos per kilo pero wala,” sabi ni Cathy Estabillo, tagapagsalita ng grupo.
Hindi naman ito makompirma ng Department of Agriculture (DA) ngunit nangakong makikipagtulungan sa inspeksyon ng mga bodega.
Naglibot sa mga palengke ang ilang mambabatas sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez upang alamin ang mga presyo ng bigas.
“Hinahanap natin kung paano natin ibaba kasi ‘yung ibang mga trader o ‘yung mga ibang mga nagho-hoard, tinatago nila kaya nagkakaroon ng ano, artificial na shortage kaya ginagawa nilang mas mataas ang presyo,” sabi ni Romualdez.
Sinisiyasat aniya ng Mababang Kapulungan ang usapin ng rice hoarding at price manipulation.
Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang pagtakda ng price control sa bigas ay hindi tamang diskarte, lalo na malapit na ang panahon ng anihan..
“Based on harvest, ‘yang 2,281,000 metric tons good for 64 days yan pero may buffer stock pa tayo, ‘yang ani at naimport may almost 30 days tayo,” sabi ni SINAG chairperson Rosendo So.
“‘Yang sinasabi nila ma-shoshort tayo sa September hindi natin nakikita… marami tayong stock na available, so yang October naman start ng anihan so wala tayo problem,” aniya.