Kahit lumabas ang kataku-takot na kahihiyan dulot ng ‘Love the Philippines’ fiasco, wala palang kasong naisampa laban sa DDB Group Philippines.
Ang DDB Philippines ang may kagagawan ng mga hindi orihinal na video na ginamit sa ‘Love the Philippines’ tourism campaign
Pero laking gulat ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro sa pag-amin ng DOT na hindi kinasuhan ang DDB Group Philippines.
Ikinatuwiran ni DOT Undersecretary Mae Elaine Bathan na terminated na ang contract ng DDB Philippines.
Ganoon lang iyon? Paglabag sa batas ang ginawa ng DDB Philippines pero walang kahirap-hirap na pinalusot ng DOT?
Natural na nagalit si Castro dahil hindi nga naman biro ang tinamong kahihiyan ng Pilipinas sanhi aniya ng “trabahong tamad at plagiarism” na ginawa ng kompanyang kinontrata ng DOT.
“So hindi lang basta termination eh. Dapat nagkaso tayo dito sa DDB. So would you pursue a case against the DDB dito sa ginawa nilang plagiarism, trabahong tamad at misrepresentation,” sabi ng kongresista.
Para sa DOT mas prayoridad ng kagawaran ang pag-terminate at pag-cancel ng kontrata at sunod na lang ang pagsasampa ng kaukulang kaso.
Hindi pa ba sapat na dahilan ang panloloko ng DDB Philippines na paglabag sa pinirmahan nilang kontrata sa DOT para sila’y asuntuhin?
Baka naman may matutumbok na ibang tao maliban sa grupo ni Chua kaya deadma na lang sa kaso ang DOT.
Marami kasi ang nagtataka sa biglang pananahimik ni Presidential Assistant for Creative Communications Paul Soriano nang mabuko ang DOT fiasco.
May lumutang pang impormasyon na siya ang nasa likod ng DDB Philippines, maliban kay Chua.
Tama lang na madesmaya si Castro sa sagot ng DOT sa kanyang ‘paniningil.’
Hindi sapat na ang maliliit na empleyado lamang ang managot o magsakripisyo, lalo na’t inamin ni Bathan na may mga nag-resign na empleyado ng DOT bunsod ng eskandalong ito.
Bagong Pilipinas ‘ika nyo?