Walang ipinangako si dating Pangulong Benigno Aquino III sa China na tatanggalin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Hinamon ni dating Sen. Antonio Trillanes IV ang Beijing na ibisto kung sinong pangulo ng Pilipinas ang ginarantiyahang aalisin ang BRP Sierra Madre.
Nagsilbing backchannel negotiator ng administrasyong Aquino si Trillanes sa China.
“ Wala pong pinangako at least doon sa time ni President Aquino at definitely noon ako ay back channel negotiator, kasi napakasimple lang, kung pinangako yan, dapat may ahensya na pinagbabaan noon, nahila yan. Hindi naman ,eh”ani Trillanes.
Ang China aniya ang dapat magsiwalat kung sino ang nangako sa kanilang tatanggalin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
“Dapat China ang magsabi, sino nangako sa inyo? Definitely hindi isang senador yan, dapat presidente ‘yan kaya sinasabi ko rito, kung meron at meron nangako dito, si Duterte yan kasi lahat ng pabor sa China noong panahon niya, pumasok,” sabi ni Trillanes sa programang Sa Totoo Lang sa One PH kagabi.
Kaugnay nito, sang-ayon si Trillanes sa panukalang sanayin ang mga mangingisda na maging reservist at bantayan ang West Philippine Sea (WPS).
Puwede rin aniyang maglunsad ng joint maritime patrol kasama ang allied countries.
“Puwede po yan. Kombaga we will fight fire with fire. pwede ring mag-joint maritime patrol sa area with allied countries like US, Japan, kung anoman para magkaroon ng freedom of navigation patrol dyan. pwede ring magpa-escort militarily itong resupply mission pero kailangan irecalibrate nila yung response,” sabi niya.
Puwede rin aniyang idaan muna sa airdrop ang resupply mission sa BRP Sierra Madre.