Tila walang bahid na problemang makikita kay Justin Brownlee matapos dumaan sa isang operasyon para tanggalin ang bone spurs sa kanyang paa.
Kamakailan lamang, bumisita ang six-time champion ng Philippine Basketball Association sa ensayo ng Gilas Pilipinas kung saan inobserbahan niya ang kanyang mga teammates, kabilang na si National Basketball Association star Jordan Clarkson.
Sina Brownlee at Clarkson ay dalawa sa naturalized players ng Gilas Pilipinas pero sa paparating na FIBA World Cup, ang star player ng Utah Jazz ang siyang magigiya sa koponan.
Ngayong sigurado nang maglalaro si Clarkson sa FIBA World Cup, itinuloy na rin ni Brownlee ang nabinbing pagpapa-opera.
Kailangan ni Brownlee na dumaan sa proseso ng operasyon para na rin guminhawa ang pakiramdam sa kanyang paa kung saan pabalik-balik ang sakit na nararamdaman.
Apat na taon na itong iniinda ni Brownlee na naglaro rin ng may injury noong nakaraang Southeast Asian Games sa Cambodia noong nakaraang Mayo.
Kailangan na lamang magpagaling ni Brownlee at magpalakas para mas makapaghanda sa paparating na mga major events kung saan maglalaro siya hindi lamang para sa Gilas kung hindi para sa kanyang PBA team na Barangay Ginebra.
Pagkatapos ng FIBA World Cup, muling makakasama ni Brownlee ang kanyang mga kakampi sa Gilas sa Hangzhou Asian Games mula 23 Setyembre hanggang 8 ng Oktubre.
Ayon Tim Cone, coach ni Brownlee sa Barangay Ginebra na kasalukuyan ring nagsisilbi bilang assistant mentor rin ng Gilas, matagumpay ang naging operasyon ng kanyang player.
“His surgery is done and he is already walking,” dagdag pa ni Cone sa isnag Viber message. “He’ll start his rehab soon.”
May limang Linggong recovery period si Brownlee at sapat na panahon ito para makalaro sa Asian Games.
Bukod sa Asian Games, sasalang rin si Brownlee bilang import ng Ginebra sa PBA Commissioner’s Cup na magsisimula sa 15 Oktubre at sa East Asia Super League kung saan maglalaro siya mula Oktubre hanggang Marso ng susunod na taon.
Ang East Asia League ay isang home and away tournament kung saan magkakaroon ng pagkakataon si Brownlee na magkaroon ng isa pang katambal na import.