Inihayag ng isang rice industry group na 300,000 metric tons ng imported na bigas ang nakatakdang dumating kahit hindi sila tiyak kung makatutulong ito sa pagpapababa ng mga presyo sa merkado sa bansa.
Ayon sa Philippine Rice Industry Stakeholders Movement na humigit-kumulang 300,000 MT ng bigas ang nakatakdang dumating ngayong buwan ng Agosto at sa Setyembre pero giit ng grupo, hindi sila sigurado kung ito ay magpapababa ng presyo ng bigas.
Samantala, Sinabi ni Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo Panganiban nagkaroon ng dayalogo ang ahensya sa Vietnam at India “sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.”
Bilang resulta, sinabi ni Panganiban, ang ilang Vietnamese exporters ay nag-quote sa mga pribadong mangangalakal ng $30-$40 na mas mababa mula noong huling pulong sa Malacañang.
Sinabi naman ng Federation of Free Farmers Cooperatives na hindi tayo dapat umasa sa mga pag-uusap dahil ang ibang mga bansa ay nakikipag-negosasyon din sa India at Vietnam.
Tinitingnan ng DA na mag-angkat ng panibagong 1.3 million metric tons ng bigas para sa bansa.
Sinabi ni DA Undersecretary Mercedita Sombilla na magtatakda pa rin ang nasabing departamento ng mga plano ukol sa pag-aangkat ng bigas.
Dadgag niya, magtatakda din ng schedule para sa nasabing rice importation na kung saan dadaan ito sa sanitary at phytosanitary processes.
Sinabi rin ni Sombilla na susuriin muna ng DA ang mga kalkulasyon tungkol sa rice stockpile ng National Food Authority na nakikitang tatagal ng dalawang araw.