Inilabas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Administrative Order No. 22 o ang pagkakaloob ng one-time rice assistance sa lahat ng empleyado ng pamahalaan noong Disyembre 2022.
Dalawampu’t limang kilo ng bigas ang ipinagmamalaking ayudang bigas ng administrasyon na isang beses lang matatanggap sa isang taon ng bawat kawani ng gobyerno.
Rekomendasyon ito ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na inaprobahan ni Pangulong Marcos Jr.
Anila, ang one-time rice allowance ay bilang pagkilala sa sa kolektibo at hindi matatawarang kontribusyon ng civil servants para sa “efficient and responsive delivery of services to the public, especially in the midst of the COVID-19 pandemic.”
Sa unang tingin, bibilib ka sa administrasyong Marcos Jr. sa pag-aakalang may busilak na layunin ang AO 22 para tulungan ang mga magsasaka sa bansa.
Pero, parang binuhusan ng malamig na tubig ang mga nakatanggap ng 25-kg bigas na ipinagmamalaki nina Pangandaman at Marcos Jr.
Mawalang-galang na, pero ang ipinamudmod nilang bigas, naantala na nga, hindi pa makakain ng maayos.
May mabahong amoy, naninilaw at kahit isaing ay hindi kayang sikmurain maging ng hayop.
Ganyan ba kumilala ng kabayanihan ng kanyang mga manggagawa ang administrasyong Marcos Jr?
Hindi naniniwala ang mga obrero ng gobyerno na ang tinanggap nilang bigas mula sa Malacanang ay mula sa ani ng mga lokal na magsasaka.
Marami ang nagdududa na ito’y mga nabubulok na bigas galing sa bodega ng mga bumubuo ng rice cartel.
Kailangan nila itong idispatsa para magkaroon ng espasyo sa kanilang bodega para sa mga paparating na imported rice.
Gumigimik na mapagkawangggawa ang gobyernong ito pero pang-iinsulto ang dating sa mga binibigyan nila.
Habang ipinamumodmod ang rice allowance, siya namang pagpapakasarap ng mga opisyal ng gobyerno at kanilang mga bisitang sosyal habang pinanonood ang fashion show sa Goldenberg Mansion sa Malacanang.
Sigurado tayong ang kinain nila ay hindi ang klase ng bigas na ipinamahagi nila sa mga obrero ng gobyerno.
Wala talagang ipinagkaiba ang Bagong Lipunan sa Bagong Pilipinas.
Ang bago lang ay ang mga mukha ng mga tagapagpatupad ng bulok na sistema.