Habang hinihintay pa ang kundisyon ng mga injured key players na sina Scottie Thompson at Kai Sotto, patuloy pa rin ang Gilas PIlipinas sa paghahanda sa papalapit na FIBA World Cup na sisimulan sa 25 Agosto sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Tatlong tune up matches pa ang nakalinya para sa Gilas Pilipinas bago sila sumalang sa pinakamalaki at pinakaprestihiyosong torneo sa basketball sa buong mundo.
Ayon kay Gilas team manager Butch Antonio, kasado na ang kanilang mga tune up games laban sa Ivory Coast, Montenegro at Mexico, pero gagawin ang mga laro na closed-door matches bilang parte ng preparasyon ng mga koponan.
Sisimulan sa 18 Agosto ang laban ng Pilipinas kontra Ivory Coast.
Ang Ivory Coast ay pangungunahan nina Vafessa Fofana, Souleyman Diabate, Maxene Dadiet at Guy Edi.
Ang French-Ivorian na si Fofana ay 6-foot-7 forward na nag-average ng 12 points and 10.7 rebounds per game noong nakaraang kampanya ng Ivory Coast na nasungkit ang silver medal sa FIBA AfroBasket league dalawang taon na ang nakakaraan.
Sa pagharap sa Ivory Coast, kasalukuyang ranked 40th sa buong mundo, mas magkakaroon ng idea ang Pilipinas sa kanilang laban sa Angola.
Ang Angola ay isang team sa Africa na kasama sa grupo ng Pilipinas sa kanilang bracket sa Group A ng FIBA World Cup. Ka-grupo rin ng Pilipinas at Angola rito ang Italy at Dominican Republic.
Sa 20 ng Agosto naman haharapin ng Gilas ang Montenegro, isang powerhouse team sa Europa.
Dating breakaway country ang Montenegro ng Serbia, pero sa kanilang mga nakaraang tune up games, tinalo sila ng mas malalakas na team sa Europa gaya ng team ni NBA star Rudy Gobert na France, na nanalo ng mas maluwag 80-69, sa France Summer Tour.
Kinapos rin ang Montenegro sa kanilang sagupaan laban kay NBA star Luka Doncic at ang kanyang koponang Slovenia, 100-104, kung saan hindi napigilan ang pambatong player ng Dallas Mavericks na nagtala ng triple-double performance na 34 points, 13 rebounds at 14 assists.
Maglalaro para sa Montenegro si Nikola Vucevic, ang 32-anyos at 6-foot-10 na sentro na pumapagitna sa ilalim para sa Chicago Bulls sa NBA.
Ang laban sa Montenegro ay bilang paghahanda sa pakikipagharap ng Gilas sa Italy.
Babanggain naman ng Gilas ang Mexico sa 21 Agosto.
Gaya ng Mexico, isang team rin sa America ang haharapin ng Gilas – ang Dominican Republic.
Walang NBA player sa line up ng Mexico, pero interesadong sukatin ng Gilas ang lakas ng Mexican team na tinalo ang Columbia ng tatlong beses at dalawang beses ring tinalo ang Argentina sa Gira National.