Inilunsad ang Justice for Negros, A Campaign Against Hunger and Disease campaign kahapon sa layuning matulungan ang mga mamamayan na nahaharap sa mataas na kaso ng pagkabansot at malnutrisyon.
Naalarma ang isang grupo ng health professionals, health students at health advocates sa estado ng malnutrisyon ng mga batang taga-Negros kaya’t naisipan nila isagawa ang kampanya.
Batay sa datos ng Food and Nutrition Research Institute, noong 2018 ay nakapagtala ang Negros Oriental ng antas na 40 porsiyento nang pagkabansot sa mga batang may edad limang taon pababa, mas mataas sa nationwide rate na 33.4 porsiyento.
Habang noong 2019, ang Negros Occidental ang may pinakamataas na bilang ng namatay bunsod ng malnutrisyon sa rehiyon ng Western Visayas.
Ang pagkabansot sa mga bata ay isang repleksyon ng malalang malnutrisyon.
Nakapanlulumo ang kalagayan ng mga bata sa Negros, parang walang pamahalaan na kumakalinga sa kalusugan ng kanyang mga mamamayan.
Mas abala kasi ang ilang politiko sa pagpapayaman ng kanilang mga sarili para mas humigpit ang kapit sa kapangyarihan.
Isang malinaw na halimbawa rito ay ang nagtatagong suspended Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. na tinatakan bilang terorista ng Anti-Terrorism Council (ATC).
Habang wala halos makain ang kanyang constituents, si Teves at kanyang mga alipores ay abala sa pagpapalago ng yaman, pag-iimbak ng matataas na kalibre ng armas at paghahasik ng sindak para manatiling hari sa kanilang lalawigan.
Kung magiging ganap ang tatak na terorista kay Teves, isang hudyat ito para matakot ang political warlords at maghinay-hinay sa kanilang mga kalokohan.
Pero hindi dapat magtapos lang kay Teves ang pagpapanagot sa mga karumal-dumal na insidente sa Negros.
Kaya lumaking “halimaw” ang isang politikong gaya niya ay dahil sa suportang ipinagkaloob sa kanya ng mga unipormado at ibang matataas na opisyal ng gobyerno at nangunsinti sa kanyang mga illegal na aktibidad.
Habang “pinalalaki” nila si Teves, iwinawasiwas nila ang karahasan sa mga tunay na naglilingkod sa bayan, gaya ng pagpaslang kay
Mary Rose Sancelan, ang bukod-tanging doktor sa Guihulngan City, at kanyang mister noong Disyembre 2020.
Ang doktora ay pang-anim sa listahan ng 15 indibidwal na ni-red-tagged ng lokal na anti communist vigilante group Kagubak short for Kawsa Guihulnganon Batok Kumunista (Guihulngan Against Communists).
Nagkaroon ng imbestigasyon sa Senado noong 2019 na may layuning alamin kung bakit hindi nalulutas ang daan-daang kaso ng patayan sa isla ng taong iyon.
Kung ang totoong utak ng mga patayan ang natumbok ng nasabing Senate probe at inirekomenda nilang masampahan ng mga kaukulang kaso, baka sakaling buhay pa sina Gov. Roel Degamo, mag-asawang Sancelan at iba pang sibilyang pinaslang sa lalawigan.