Ibang direksyon ang tatahakin ng Magnolia sa darating na season ng Philippine Basketball Association kung saan ipaparada nila ang kanilang bagong import na si Tyler Bey.
Dadalhin ng 25-anyos na si Bey, isang 6-foot-7 player na dating naglaro sa Dallas Mavericks, ang kanyang enerhiya sa opensa at depensa kung saan nagpamalas siya ng tikas sa pagbuslo habang ginigyahan ang kanyang koponan sa Israel, ang Ironi Ness Ziona.
Nagtala si Bey ng mga numero na 20.3 points, kabilang dito ang halos 40% shooting sa three-point area. Mayroon ding naiambag na 7.4 rebounds kada laro ang batang player na dating naglaro sa Colorado.
Kinumpirma ni head coach Chito Victolero ang pagdating ng kanilang bagong import sa pagitan ng una at ikalawang Linggo ng Setyembre.
“We’re bringing in Tyler Bey and we want to have him on board earlier, so we scheduled his flight between first and second week of September,” ang sabi ni Victolero.
Nagdesisyon ang coaching staff na kuhain ang serbisyo ni Bey imbes na muling dalhin ang kanilang dating reinforcement na si Nick Rakocevic bunga na rin ng pagkakaroon ng pagbabago sa kanilang line up.
Isang solidong player sa ilalim si Rakocevic na tinulungang makarating ang Hotshots papuntang semifinals noong nakaraang season sa parehas na torneo.
Pero dahil sa pagkakadagdag sa line up ng mga bagong players na sina Abu Tratter at David Murrell na kanilang kinuha mula sa Converge kapalit ng first round pick ngayong taon ng Hotshots at dati nilang guwardiya na si Adrian Wong, mas kailangan ng Magnolia ang isang all-around player na hahalili sa kanilang mga sandigan sa ilalim na sina James Laput, Calvin Abueva at iba pa.
Galing ang Hotshots sa matagumpay na kampanya sa PBA On Tour preseason tournament kung saan naipanalo nilang lahat ang 11 laro.