Iniimbestigahan na ng Commission on Human Rights (CHR) ang kaso ng pagpatay ng mga pulis sa isang 17-anyos na binata dahil sa umano’y mistaken identity.
Ayon sa pahayag ng CHR, layunin nilang tiyakin ang pananagutan ng mga sangkot sa pagkamatay ni Jemboy Baltazar, partikular na ang anim na opisyal ng pulisya ng Navotas City.
Pinaalalahan ng ahensiya ang Philippine National Police (PNP) na sundin ang kanilang sariling protocol na “reasonable responses commensurate to the level of suspect/law offenders resistance,” at ang mga pagkukulang na humahantong sa pagkitil ng isang buhay ng tao ay isang malaking paglabag sa karapatang pantao.
“CHR hopes that the PNP wil continue to live up to its motto ‘to serve and protect’ as a duty-bearer for the rights of the people, especially the weak, vulnerable, and marginzalized members of the society.”
Tiniyak ng PNP na walang whitewashing na magaganap.
“No less than our Chief PNP ang nagsabi sa pamilya at sinisigurado sila na hindi bibigyan ng special treatment itong mga pulis na involved,” aniya ni PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo.
Inaasahang mareresolba ng PNP sa loob ng dalawang buwan ang mga kaso laban sa mga sangkot sa nasabing insidente.
Kasalukuyang nasa Pilipinas ang ina ni Jemboy para ihatid ang anak sa huling hantungan.