Lumubog sa baha ang Metro Manila at mga karatig lalawigan, partikular ang Bulacan at Pampanga, dulot ng malakas na pagbuhos ng ulan sa loob ng halos dalawang linggo.
Kabilang sa mga itinuturong dahilan, ang pagpapalabas ng tubig mula sa mga dam ng National Irrigation Administration (NIA), reclamation projects at palpak na flood control projects.
Inaasahan na ang aksyon ng Kongreso na imbestigahan ang sanhi ng pagbaha, gaya ng pahayag nina Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros at Senate Majority Leader Joel Villanueva na taga-Bulacan.
Binuhay ni Hontiveros ang kanyang panawagan na busisiin ang large-scale land reclamation projects sa bansa, batay sa inihain niyang Proposed Senate Resolution (PSR) No. 300 noong 2022.
Kung pinakinggan lang sana ng pamahalaan ang mga pagtutol ng mga grupong nagmamalasakit sa kalikasan at mga eksperto laban sa reclamation projects, hindi sana naganap ang delubyo.
Dati nang nagbanta ang mga eksperto na lulubha ang pagbaha dahil sa mga proyektong ito, kasama ang New Manila International Airport ng San Miguel Corporation (SMC) sa Bulacan.
Ang tanong ng ilang political observers, kaya bang talupan ng mga mambabatas ang kontrata ng SMC ni G. Ramon S. Ang?
Hindi lihim sa publiko na ang mga bilyonaryong negosyanteng tulad niya ay tumataya sa kandidatura ng mga politiko.
Kung saan makakarating ang imbestigasyon ng Kongreso sa isyung ito, aabangan nating lahat.
Ang isyung ito’y maaaring gawing barometro sa pagpili ng mga kandidato sa 2025 midterm elections.