Inalok umano ng libreng libing at P50,000 bilang areglo ang naulilang pamilya ng 17-anyos ng mga kaanak ng mga pulis na nakapatay sa biktima sa Navotas City.
Ito ang nabatid sa ulat ng GTV “State of the Nation” batay sa sinabi ng kapatid ng biktimang si Jemboy Baltazar, ang 17-anyos na lalaki na napagkamalang suspek at nabaril sa police operation sa Navotas City.
Tinanggihan ng pamilya Baltazar alok na areglo dahil hustisya ang kanilang gusto.
“Sila na raw po lahat sasagot [sa libing]. Ang sabi po namin hindi na po namin kailangan kasi mayroon na pong sumagot. Nag-ano po ng P50,000 po,” ayon kay Jeraldine na desididong ituloy ang kaso laban sa mga pulis.
“Tuloy po yung kaso sa kanila. Kulang pa nga ‘yun sa ginawa nila sa kapatid ko eh,” giit niya.
Ang ina ni Baltazar na si Rodaliza, isang OFW, labis ang hinagpis sa sinapit ng kaniyang anak na kaniyang iningatan.
“Sobrang sakit. Takot na takot nga akong makagat ‘yan ng lamok, yung pong mabaril po siya ng ilang beses tapos tumagal pa siya sa ilog ng ilang oras… pinabayaan po siya ng mga pulis … Dapat di po nila pinagbabaril agad. Di po makatao yung ginawa nila sa anak ko,” hinanakit ni Rodaliza.
Sa ulat ng pulisya, may tinutugis na suspek sa pamamaril ang mga pulis nang mangyari ang insidente.
Batay sa natanggap na impormasyon ng mga ito, nasa bangka ang suspek, at iyon ang dahilan kaya napagkamalan si Baltazar.
Agad na sinibak at ikinulong ang anim na pulis na sangkot sa insidente at sasampahan ng kaukulang reklamo.
Maghahain ng resolution ang Makabayan bloc sa Kamara upang imbestigahan ang sinapit ni Baltazar dahil kailangang tugunan ang culture of impunity o kultura ng kawalan ng pananagutan at tiyakin na ang gagawing prayoridad ng mga tagapagpatupad ng batas ang pagbibigay proteksyon sa mga mamamayan, partikular sa kabataan.