BATA pa ako, ay iniidolo ko na ang pumanaw na kaibigang si DILG Usec. Martin Diño, na matagal-tagal din nakipaglaban sa lung cancer bago siya sinundo ng Maykapal noong Martes (8 Agosto 2023).
Kalapit barangay namin ang pinammunuan niyang Barangay San Antonio noong dekada ‘90 at bago siya nakilala bilang taga-kupkop ng mga naaapi, tulad ng kanyang pag-alalay sa menor de edad na biktima ni Leo Echagaray, ang unang kriminal na naparusahan ng kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection, Si Diño ay kilala na bilang matuwid.
Matuwid, dahil ayaw niya nang paliguy-ligoy. Itim kung itim, puti kung puti ika nga.
Ganun si “Bobot” ang tawag ng mga malapit sa kanya. Kapitan Bobot sa kanyang mga nasasakupan noon. Tulad na lang halimbawa ng salot na sugal at droga.
Sa barangay niya, bawal na bawal ang mga ito. Dahil ang paniwala ni Kap. Bobot, walang ibubungang maganda ang pagsusugal, lalo na ang droga.
Napabilang siya sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na kalaunan ay kanya na ring pinamunuan.
Sa kanyang hangaring maituwid ang lahat, nangarap siya at tinangkang maging Pangulo ng bansa noong halalang 2016. Ngunit maging ang Commission on Elections ay tinuring pa siyang ‘nuisance’ candidate.
Napaganda naman, dahil tumugma ito sa paghahangad ng karamihan na magkaroon ng matuwid din na Presidente
Nagbigay daan ang kanyang pagwiwithdraw sa pagkapresidente at ipinalit na lamang sa kanya ang noon ay nakumbinsi ng marami na maging kandidato nila sa pagka-pangulo, ang matapang na Davao City Mayor na si Rodrigo “Digong” Duterte.
Nanalo si Duterte at nagawaran si Diño ng mataas na posisyon, ang pamunuan ang SBMA bilang Chairman uli. ‘Di na pang-barangayan si Bobot, ngunit ‘di niya kinaya ang sistema ng korupsiyon doon, marami siyang nabangga nang makita niya ang maraming kamalian sa SBMA. Kasama ako sa mga dumepensa sa kanya, ngunit ‘di kami nagtagumpay.
Kaya, pinull-out si Bobot at itinalagang Undersecretary for Barangay Affairs sa DILG kung saan nagtagal din siya sa panunungkulan hanggang sa pagbaba ni Pangulong Duterte sa posisyon.
Kasama si Bobot na bumaba at muling namuhay na ng pribado. Dito na, nagapi si Bobot ng lung cancer na kanyang ikinamatay.
Walang gaanong nakaka-alam ng kanyang kalagayan dahil pinili niyang itago ang kanyang karamdaman sa lahat, sa isang malayong lugar sa Bataan. Ganun si Bobot ayaw niyang maging pabigat kanino man kahit na mismo sa kanyang Inang bayan.
Nalaman na lang natin lahat ito nang mag-post ang kanyang anak na si Liza Diño-Seguerra sa kanyang Facebook account na si Usec Bobot ay nakikipaglaban nga sa sakit na cancer.
Ang sumunod na FB post ni Liza ang ikinalungkot na ng lahat ng kakilala ni Bobot, na siya ay pumanaw na noong madaling araw ng Martes.
“His contributions to our nation’s progress, particularly on local governance and barangay development, will forever stand as a testament to his commitment to a better society,” ang pahayag ng kanyang anak na si Liza.
Tunay ang tinuran ni Liza tungkol sa kanyang ama, katunayan ang hangaring makapaglingkod ay namana niya dahil nanilbihan din si Liza bilang Chairman ng Film Development Council of the Philippines.
Paalam kaibigang Bobot. Hanggang sa muli nating pagkikita. Ang iyong tapang at malasakit ay di na mabubura sa puso at isipan ng mga talagang nakakakilala sa iyo, kaibigan ko.