Dapat ibasura ng administrasyong Marcos Jr. ang alok ng China na joint military exercises sa Pilipinas dahil walang sinseridad ang Beijing.
“Ano kaya yung drill? Iwa-water canon nila yong Philippine Navy, ‘di ba? Sa ‘kin lalo na’t nangyari ito, dapat talaga that proposal should be thrown out, i-window na, kasi walang sincerity eh. Walang sincerity kung ganiyan,” sabi ni Atty. Jay Batongbacal , director ng Institute of Maritime Affairs and Law of the Sea.
Para kay Batongbacal, palabas lamang ng China ang alok na joint military drills at ang tunay na layunin nito’y pagandahin ng Beijing ang kanilang imahe.
“Parang palabas lamang ‘yun. Kung ganon rin lang eh wag naman tayong tumulong na ma-improve yung image niya na sasali tayo sa palabas nya,” ani Batongbacal
Kinondena ng iba’t ibang bansa ang pagharang at pambobomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa arkiladong barko ng Philippine Coast Guard (PCG) patungo sa Ayungin Shoal para sa resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Paliwanag ni Batongbacal, malaki ang epekto ng ipinakitang pagkakaisa ng iba’t ibang bansa laban sa China dahil magisilbing babala ito sa kanya na puwedeng ma-isolate ang Beijing.
“Well ang epekto po niyan ay yung pag generate ng unity, na nagkakaisa yong mga maraming bansa, sa harap ang China. Para sa China, yun yung ayaw niya, na lumabas na pinagtutulungan siya, na lumabas na, siya lang ang kalaban ng buong mundo. Ayaw niya yon. So dapat makita niya yon, bilang isang sign na talagang kung tutuloy niya tong mga ganitong klaseng actiiviy ay talagang tuluyang magkakaisa ang buong mundo laban sa kaniya laban sa issue dito sa West Philippine Sea at South China Sea,” sabi niya.