May iniingatang “secret” sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating Presidente Rodrigo Duterte.
Ipinagtapat ni Marcos Jr. Na ikinanta sa kanya ni Duterte ang mga pinag-usapan nila ni Chinese President Xi JinPing sa pagbisita ng dating pangulo sa Beijing kamakailan, ngunit hindi puwedeng isiwalat ito.
“Those are between President Digong and myself,” ani Marcos Jr. sa media interview matapos ang command conference sa Bulacan.
Naniniwala siya na walang kinalaman ang mga insidente sa West Philippine Sea (WPS) sa naging pagdalaw ni Duterte sa China.
“I don’t think it’s related. I don’t think this is related to his visit,” ani Marcos Jr.
Sa kabila nang panggagalaiti ng international community sa pagharang at pambobomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa arkiladong barko ng Philippine Coast Guard (PCG) patungo sa resupply mission sa Ayungin Shoal noong Sabado, para kay Marcos Jr., operational aspects ito na saklaw ng Philippine Navy (PN) at Philippine Coast Guard (PCG) .
Mahirap aniyang talakayin ito ng detalyado.
“These are things that are being handled by our military, our navy, our coast guard,” ani Marcos Jr.
Matatandaang nagpulong sina Duterte at Xi sa Beijing noong 17 Hulyo 2023.
Iniulat ng Chinese media na umaasa si Xi na mananatili ang mahalagang papel ni Duterte upang mapaigting ang relasyon ng China at Pilipinas.