Inalmahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ginawang pagharang at pag-water cannon ng China Coast Guard sa isang sibilyan na barko na inarkila ng militar para magdala ng suplay sa mga sundalong naka station sa BRP Sierra Madre sa bahagi ng Ayungin Shoal.
Sinabi ni AFP spokesperson Col. Medel Aguilar na talagang nakakabahala ang ginawang pagpapakita ng excessive force ng China Coast Guard laban sa mga barko ng Pilipinas.
Kinumpirma ni Aguilar na hinarang at na water cannoned ng CCG ang Chartered vessel noong Sabado bandang alas-9:00 ng umaga.
Ayon kay Aguilar, ang nasabing barko ay patungong Ayungin Shoal para sa isang routine troop rotation at resupply mission.
Hindi man lamang inisip ng Chinese Coast Guard ang peligro na dulot ng kanilang ginawa sa mga taong sakay sa nasabing barko.
Kung matatandaan, nababahala si United States Secretary of Defense Lloyd Austin III sa inasal ng China kasunod ng naunang insidente ng paghaharass ng China Coast Guard sa Philippine Coast Guard sa Ayungin Shoal.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa tangkang panghaharang ng mga barko ng China Coast Guard sa dalawang barko ng Philippine Coast Guard upang hindi ito makapasok sa Ayungin Shoal.
Ang pagkabahalang ito ay ipinahayag ni Austin sa kasagsagan ng kanilang pagpupulong ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Mapanganib kasi aniya ang naging operational behavior ng mga barko ng China laban sa mga barko ng Pilipinas na naglalayag lamang sa Ayungin Shoal.
Samantala, kasabay nito ay muli ring iginiit ng Estados Unidos ang ironclad alliance at commitment nito sa Pilipinas, at gayundin ang pagbibigay-diin sa Mutual Defense Treaty ng dalawang bansa kabilang na ang Philippine public vessels, aircraft, at armed forces, at marami pang iba.
Muli ring pinagtibay ng dalawang opisyal ang commitment ng dalawang bansa sa pagtataguyod sa rules-based order at gayundin ang pagbibigay suporta sa kabuhayan ng mga lokal na komunidad ng Pilipinas sa West Philippines Sea alinsunod na rin sa Arbitral Tribunal Ruling noong taong 2016.