Bagama’t final and executory na ang verdict ng Supreme Court hinggil sa land dispute sa pagitan ng Makati City at Taguig City hindi pa rin humuhupa ang init ng sentimyento ng mga residente ng 10 tinaguriang enlisted mens barrio (EMBO) na tila tutol sa paglilipat ng hurisdiksyon ng teritoryo.
Kaya bang tapatan ng Taguig City ang P9-B serbisyo para sa EMBO?
Ang malaking katanungan kasi sa kasalukuyan mga brad, ay ang P9 bilyong serbisyong ibinibigay ng pamahalaang bayan ng Makati sa 322,000 residente ng “embo” area.
Mismong si Mayor Abigail Binay ang nagsabi na kailangan ng Taguig City nang P9 billion in funding para garantiyahan na ang apektadong mga residente ng embo ay mabibigyan ng tamang serbisyo.
Ang sabi ng Taguig City ay kaya naman nilang ibigay ang needed services sa apektadong mga residente dahil malaki naman daw ang income ng Bonifacio Global city (BGC) na nasa P5 billion annually kung hindi tayo nagkamali sa pagdinig sa tinuran ni Mayor Lani Cayetano. Fine.
Ngunit ang pangamba ng mga residente lalo na ang mga senior citizen baka mawala ang kanilang maintenance medicine at ang dagdag pangamba ay ang libreng dialysis na ibinibigay ng Ospital ng Makati.
Kasi nga po mga brad, naibibigay ito ng Makati City dahil base sa per capita o ang expense per capita na inilatag ng lungsod sa mga residente nito ay P26,000 per tao.
So kung kukuwentahin ito say, P26,000 times 322,000 ay nasa P9 bilyon (P8.372 billion), kung saan ang estimated income sa nabanggit na embo areas ay P1 bilyon annualy.
Ang paliwanag dito ay ang pangangailangan ng embo residents ay pinondohan through “social equality,” meaning ang buwis o kita sa ibang lugar ng lungsod ay spread out to cover everyone.
Ang sabi ni Mayor Abby, and I quote, “The ones living in villages pay for real property tax. Part of the taxes that they pay are the ones that subsidize…the schools…(so) that the kids get all their freebies. That comes from the real property taxes of those who live in villages or condominiums…we do not get it from the embos.”
Sa madaling salita ikinalat ni Mayor Abby ang kita mula sa Distrito Uno ng lungsod upang matulungan ang mas nangangailangan residente lalong lalo na ang embo residents.
Kaya nga po nagkakaroon ng signature campaign ang mga residente sa pangunguna ng people’s organizations dahil sa malaking posibilidad na mawala ang serbisyo lalo na ang medical at ang para sa mga mag-aaral.
Imagine po mga brad, ang University of Makati at Ospital ng Makati ay para lamang sa mga residente ng Makati kaya ang embo ay nangangamba dahil hindi na nila ma-enjoy ang libreng serbiyo mula sa dalawang pasilidad na ito dahil ika nga ‘titulado’ ito sa Makati City government kaya hindi puedeng i-takeover ng Taguig.
Paano na kung walang pera ang pamilya ng kailangan mag-dialysis, saan sila kukuha at tatakbo?
Iyan ang malaking katanungan na kailangang masagot point by point ng pamunuan ng Taguig City ng sa gayon ay magkaroon ng kalinawan ang lahat. Nagtatanong lamang po mga brad.