Nakabibilib ang kolaborasyong ito sa pagitan ng Department of Education at Department of Social Welfare and Development dahil mas paiigtingin pa ng dalawang ahensya ang pagkatuto ng mga bata partikular sa mga early grade learners na nahihirapang magbasa at hindi talaga marunong magbasa.
Kamakailan lang ay pormal na inilunsad ang “Tara, BASA!” Tutoring Program sa Rizal High School sa lungsod ng Pasig, kasabay na rin na nilagdaan ang memorandum of agreement para sa implementasyon ng nasabing programa na sisimulan ngayong August 15.
Layunin ng programang ito na tulungan ang mga mag-aaral sa elementarya na nahihirapang makabasa o hindi pa talaga marunong magbasa nang sa ganon ay lalo pang ma-improve ang kanilang foundational reading skills.
Sa ilalim din ng programang ito ay bibigyan ng panandaliang trabaho ang mga college students partikular yung mga third year and fourth year college students kung saan tuturuan nila sa pagbabasa ang mga Grade 1 at Grade 2 learners.
At bilang kapalit sa naging serbisyo nila bilang tutor or youth development worker ay makatatanggap sila ng P500 kada araw para sa dalawampung araw na pagtuturo sa ilalim ng reformatted educational assistance ng DSWD.
Maliban diyan, kukunin din bilang tutor ng kanilang mga anak ang ilang mga magulang. Sila ay makakatanggap ng P235 kada araw sa pag-attend nila sa mga teaching sessions. Itinuturing kasi na unang guro sa ating tahanan ang mga magulang natin.
Sa cash for work program, ang mga college students na magsisilbing tutor ang siya ring magtuturo sa mga magulang para maging nanay-tatay tutors sa kanilang mga anak sa tahanan.
Magsasagawa din umano ng hearing at vision screening sa mga learners sa tulong ng mga private partners para masiguro na malusog ang kanilang mga mata at tenga at hindi maging sagabal sa kanilang pagbabasa at pag-aaral.
Ayon sa DepEd, pilot test pa lamang ito at dito lang muna gagawin sa National Capital Region o Metro Manila at kung sakaling maging successful at epektibo ang nasabing programa palalawigin pa nila ito at i-implement din sa iba pang bahagi ng bansa o maaaring nationwide na.