Nagsimula nang maniket ang mga tauhan ng Metro Manila Development Authority sa mga motorcycle rider na nahuling sumisilong sa ilalim ng mga overpass, footbridge at train stations.
Noong Agosto 1, siyam na motorista agad ang natiketan matapos mahuling sumisilong sa isang flyover sa kabahaan ng EDSA.
Ang multa, tumataginting na P1,000.
Sa isang Facebook post, sinabi ni acting MMDA chair Romando Artes na ang mga motoristang sumisilong sa ilalim ng mga tulay at maituturing na “sagabal” sa daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA at iba pang pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Bukod rito, hindi raw umano ligtas na pagsilungan ang mga nabanggit na lugar para sa mga motorcycle riders.
Nilinaw din niya na hindi naman pagbabawalan ang mga sumilong sa mga tulay lalo na kung ito ay para magsuot lamang ng kanilang kapote.
Ang bagong polisiya, inulan ng batikos ng publiko dahil hindi umano ito makatarungan.
Isa sa mga kumastigo sa MMDA ay si Senador Joseph Victor “JV” Ejercito na nagsabing masyadong mabigat ang multa na laban sa mga motorista.
“P1,000 is a little bit too much, medyo mabigat po yan para sa isang courier rider na magkano lang ang kikitain sa isang araw baka yan na yung pang papakain nila sa pamilya nila,” sabi ni Ejercito na isang motorista.
Ayon sa kanya, bagamat naiintindihan umano niya ang rason sa likod ng batas trapiko na para rin sa kaligtasan ng mga motorcycle riders, sana raw ay babaan ang multa sa mga lalabag dito.
Ipinanukala rin niya sa MMDA ang pagbuhay sa mga emergency lay-by para masilungan ng mga motorcycle riders tuwing umuulan.
Taong 2021 nang ipag-utos ng noo’y MMDA chair Benhur Abalos ang pagtatayo ng emergency lay-by sa kahabaan ng EDSA para masilungan ng mga motorista tuwing umuulan.
Para sa akin, maituturing na anti-poor at hindi makatao ang bagong polisiya ng MMDA.
Unang punto, motorsiklo ang isa sa mga pangunahing transportasyon ng maraming Pilipino na hindi tulad ng mga opisyal ng gobyerno na komportable sa loob ng kanilang mga de-aircon na kotse ay nagtitiis sa matinding sikat ng araw o ulan.
Sa unang apat na buwan ng taon, pumalo sa 16.7 percent ang itinaas ng motorcycle sales sa bansa. Mula 127,000 na monthly average sales noong unang quarter ng nakaraang taon, umakyat ito sa 149,000.
Ano ang ibig sabihin nito? Sinasalamin lang naman nito ang bulok na sistema ng transportasyon sa bansa.
Bukod sa mas mura, mas mabilis ang biyahe kapag nakasakay ng motorsiklo dahil sa kakayahan nitong sumingit sa kalsada na mabigat ang daloy ng trapiko na isang uling repleksyon ng mas malaking problema ng bansa.
Hindi makatao. Bakit? Hindi siguro tama na ganti sa mga motorcycle riders na tinaguriang “modern-day heroes” noong pandemya ang ganitong polisiya.
Huwag sana natin kaligtaan na sila ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi tuluyang bumagsak ang ekonomiya ng Pilipinas noong kasagsagan ng malawakang lockdown dahil sa Covid-19.
Sa kabila nang tila paghinto ng mundo noon dahil sa mga lockdown na tumagal ng ilang buwan at taon, patuloy na kumayod ang mga courier at delivery riders na malaki ang inambag sa ekonomiya ng bansa.