Matagumpay na nakapaghatid ng tulong ang Provincial Social Welfare Development Office (PSWDO) at Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng Occidental Mindoro sa mga isolated Mangyan Indigenous People (IPs) sa munisipalidad ng San Jose, gamit ang improvised zipline.
Ang tanging paraan upang mapuntahan ang nasabing sitio ay sa pamamagitan ng pagtawid sa Amnay River na hindi madaanan noong bumagyo dahil sa malakas na agos at mataas na antas ng tubig.
Ayon kay Ma. Rose Valentine Lastimosa ng PSWDO, ang tramline lang ang nag-iisang paraan upang makapagdala ng tulong sa sitio.
“Inayos lang ng kaunti ang tramline [kasi] tumba na ang gitnang poste [nito] kaya hanggang kalahati lang ang kayang itakbo sa tramline,” paliwanag niya.
Dagdag din ni Lastimosa na tumulong ang Barangay Local Government Unit (BLGU) at ang PDRRMO para maging ligtas ang proseso.
Ang naturang mga food packs ang unang assistance na natanggap ng komunidad sa pinsala ng Typhoon Egay. May kabuuan na 115 na boxes ng DSWD Family Food Packs ang naibahagi sa nasabing sitio.