Maglalaan ng P1.408 bilyon ang Department of Budget and Management (DBM) bilang budget sa mga biyahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa loob at labas ng bansa sa 2024.
Sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ang naturang alokasyon para sa Office of the President (OP) ay para mailako ni Marcos Jr. sa ibang bansa ang Pilipinas bilang investment destination.
Tumaas ng 58 % ang budget para sa local at foreign trips ng OP sa 2024 o P 1.4 bilyon mula sa P893.87 milyon ngayon 2023.
“The President’s travels fall into two categories. There are state visits where other countries invite him, and there are also investment road shows,” sabi ni Pangandaman sa press briefing sa Malacanang.
“When I was previously asked during the SONA (State of the Nation Address) what I think this administration has accomplished in such a short time, I believe one of the achievements is bringing the Philippines back on the map as an investment hub and creating opportunities for other countries,” dagdag niya.
Sa 13 buwan niya sa Palasyo, dumalo si Marcos Jr. sa UN General Assembly sa New York,USA; summits ng ASEAN sa Cambodia at Indonesia; sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Thailand; sa ASEAN-European Union Summit sa Brussels, Belgium at sa World Economic Forum sa Switzerland.
Bumisita rin siya sa Japan, Singapore, Indonesia, China, Malaysia, United Kingdom at bumalik sa US para sa isang official business visit.
Nauna rito’y inihayag ni Dindo Manhit, founder ng Manila-based think tank Stratbase ADR, na nais ni Marcos Jr. na ipakita na iba siya sa kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos SR.
“The first year [of trips] was a way of reintroducing himself, as he is, well, ‘the son of a dictator’. He wanted to project a softer image compared to his father,” sabi ni Manhit sa Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).
Hindi na aniya nakapagtataka kung gamitin ni Marcos Jr ang kanyang mga biyahe upang I-rebrand ang imahe ng kanyang pamilya sa ibang bansa at ipakita na siya’y isang leader na tumatalima sa “rules-based’’ diplomacy.