Isang dekada matapos ang matagumpay na pagbabalik sa larangan ng world basketball sa kaunaunahang pagkakataon matapos ang 40 taon, sariwa pa rin ang matamis na alaala kung saan tinapos ng Gilas Pilipinas ang hinagpis na naranasan sa mga panahong dumaan.
Bitbit ang mga mapapait na alaala sa mga pagkatalo sa basketball teams ng South Korea, tinapos ng Pilipinas ang sumpa matapos maungusan ang kanilang mahigpit na karibal sa Asya sa kanilang semifinals encounter noon sa 2013 FIBA Asia Championship.
Ito ang nagsilbing ticket ng Pilipinas pabalik sa World Cup.
Sampung taon matapos ang matamis na karansan sa 2013 FIBA Asia Championship, masarap na binalikan nina Ranidel de Ocampo at Marc Pingris, dalawa sa key players ng Gilas Pilipinas ang alaala ng kanilang tagumpay.
“Hanggang ngayon, tumatayo pa rin ang balahibo ko,” ang sabi ni De Ocampo, ang stretch big man ng koponan na isa sa mga nagpahirap sa kanilang mga karibal.
“Ilang beses ko rin kasing naranasan na yung mga teams na nilalaruan ko sa national teams, madalas matalo sa Korea. Parang may sumpa talaga.”
Ilan sa mga mapapait na karanasan na hindi malilimutan ay ang pagkatalo ng Pilipinas sa South Korea sa mga malalaking international tournaments.
Noong 1986 Asian Games, tinalo ng South Korea ang Pilipinas sa isang laro kung saan natawagan ng controversial na offensive foul kay Allan Caidic na naging dahilan para maapektuhan ang pagabante ng national team sa laban para sa gintong medalya.
Sa 1994 Asian Games sa Hiroshima, tinalong muli ng South Korea ang Pilipinas sa group stage match, 86-79, na siyang nagdala sa mga Pinoy para labanan ang powerhouse team na China sa semis.
Isa sa pinakamasakit na pagkatalo ang nalasap ng mga Pilipino noong 2002 Asiad sa Busan kung saan aabante na sana patungo sa laban sa gintong medalya ang Pinoy cagers.
Nagmintis ng dalawang free throws si Olsen Racela na siya na sanang magseselyo ng panalo ng Pilipinas pero iniwan nitong bukas ang pintuan para sa isang play para sa South Korea..
Nadampot ni Lee Sang-Min ng South Korea ang bola mula sa kakampi na dumribol sa kanyang paa at ibinuslo ang isang three-point shot bago tumunog ang huling buzzer at isampa ang mga Koreano papuntang gold medal match laban sa China.
Kaya naman hindi mapigilan ni Pingris at De Ocampo ang mapaiyak matapos magtagupay laban sa Korea noong 2013 FIBA Asia Championship.
“Naalala ko noon, habang iniinterview kami, kahit ang pangit ng iyak namin ni Pingris, hindi talaga namin napigilan. Buhos kasi talaga yung emosyon,” dagdag ni De Ocampo.