Kung dati’y sabi-sabi lamang, ngayon, pormal nang idineklara billang terorista ang supendidong mambabatas na si Arnie Teves ng Anti-Terrorism Council sa bisa ng Resolution 43.
Ito ay kaugnay sa patayan sa Negros Oriental pati na ang pagpaslang kay Gov. Roel Degamo at walo pang iba noong 4 March nang taong ito, kung saa’y ang tinuturong mastermind ay walang iba kundi si Teves.
Batay sa resolusyon na nilagdaan ni ATC chairperson Lucas Bersamin noong ika-26 ng Hulyo, na kahapon lamang isinapubliko, kasama rin sa listahan ang nakababatang kapatid ng mambabatas, na si Pryde Henry Teves at siyam pang iba.
“NOW, THEREFORE, the Council, by virtue of the powers vested on the ATC pursuant to Section 45 of the ATA and after finding probable cause for violations of Sections 4,6,10, and 12 of the ATA, hereby designates the ‘Teves Terrorist Group” as a terrorist group of persons, organization or association,” ani ng ATC.
Ilang oras matapos ang pagsasabisa ng resolusyon, tuluyan nang na-freeze ang mga ari-arian ni Teves.
Ayon kay Luis Warren, legal officer ng Anti-Money Laundering Council, ito ay nakabatay sa ilalim ng Anti-Terrorism Act’s (RA 11479) Section 25 kaugnay ng Section 26.
Anumang pondo o ari-arian ay maaaring i-freeze ng gobyerno alinsunod sa batas na ito.
Samantala para kay Ferdinand Topacio, ang lead legal counsel ni Teves, hindi na bago ang hakbang na ito ng gobyerno.
Bagamat nagngitngit, hindi na nagulat si Topacio sa desisyon na ito ng ATC lalo pa’t noon pa lang, aniya, ay idinidiin na ang kanyang kliyente bilang mastermind kahit ilang pa lang ang pagkakapatay kay Degamo.
Binatikos din niya ang ATC na ang utos, aniya, ay nagpakita ng prejudgment ng gobyerno sa kaso at “desperadong” na isailalim si Teves sa kanilang kustodiya.
Kinuwestiyon ni Topacio kung bakit kailangang gamitin ng gobyerno ang ATC laban kay Teves, sa isang kaso kung saan hindi “dinisenyo” ang Anti-Terrorism Law of 2020.
Sa virtual conference noong Martes, kinutya naman ni Teves ang gobyerno at sinabing ang pagdedeklara sa kanya bilang terorista ay rurok na ng katangahan.
Aniya kahit pa i-check sa SEC, walang nakarehistrong Teves Terrorist Group.
Noong Abril, ibinunyag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang intensyon ng gobyerno na italaga si Teves bilang isang terorista, na sinasabi na ang mga diumano’y “aktibidad ng kanyang grupo na humantong sa mga pagpatay ay sakop lahat ng Anti-Terror Law, [kabilang ang] recruitment, financing, pagbili ng mga baril, at ang kanilang pamamahagi.”
Hanggang ngayon ay tumatanggi pa rin si Teves na umuwi pagkatapos na huling mamataan sa Timor-Leste dahil umano nasa panganib ang kanyang buhay.
Samantala, usap-usapan naman na nasa Pilipinas na siya sa ilalim ng proteksyon ng isang dating mataas na opisyal ng gobyerno.