Simula kahapon ay ipinatupad ng Metro Manila Development Authority (MMDA)ang pagpataw ng multang isang libong piso sa sinumang mahuhuling motorcycle rider na sumisilong sa ilalim ng mga tulay, footbridges, at MRT stations kapag umuulan dahil itinuturing itong “obstruction.”
Arbitrary ang implementasyon nito, walang public hearing o consultation sa stakeholders, lalo na sa riders.
Dagdag pahirap sa ordinaryong mamamayan ang bagong diskarte ni MMDA acting Chairman Romando Artes,imbes makipagtulungan sa ibang ahensya ng pamahalaan para tumbukin ang ugat ng problema at bigyan ng solusyon ang krisis sa mass transportation.
Bakit ba napakarami ang gumagamit ng motorsiklo? Wala kasing maayos na mass transportation sa buong bansa, partikular sa Metro Manila, at ginagamit din ito sa hanapbuhay para sa mas mabilis na delivery ng mga pagkain at produkto.
Tinitiis ng riders ang usok, alikabok at init sa kalsada para lamang buhayin ang kanilang pamilya.
Pati ba naman ang pagsilong sa mga tulay kapag malakas ang ulan na batayang pag-iingat sa kalusugan ay ipinagkakait pa sa kanila ng pamahalaan?
Sa Pilipinas lang itinuturing na krimen ang pag-iwas ng mamamayan na mabasa sa ulan para hindi magkasakit.
Hindi ba kasama sa serbisyo publiko ang pagiging makatao?
Bakit matatawag na anti-poor ang pakana ni Artes?
Sabi nga ni Dr. Jamie Dasmariñas ng Council for Health and Development, karamihan sa mga rider ay isang kahig, isang tuka, araw-araw, paano nila ma-afford ang pagkain at gamot kung sakaling pagmultahin pa sila kapag sumilong kapag malakas ang ulan?
Kahit saang anggulo tingnan, talagang sablay ang diskarteng ito ng MMDA.