Naniniwala ang netizens na hindi patas ang Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) sa pagsita sa It’s Showtime kaugnay sa “Isip Bata” segment noong 25 Hulyo.
Umani ng samu’t saring reklamo ang programa dahil sa komento ng MTRCB na nagpapakita umano ang noontime variety show ng “indecent act/s” ang mag-asawang hosts na sina Vice Ganda at Ion Perez.
Sa kontrobersyal na segment ay sinawsaw ni Ion ang kanyang daliri sa cake at kinuha ni Vice ang kanyang kamay, isinubo ang daliring may icing at dinilaan ito.
Halo-halo ang naging opinyon ng netizens sa naging aksyon ng MTRCB.
Naniniwala ang ibang netizens na overacting (OA) ang MTRCB, samantalang ang iba naman ay nagsasabing tama lang ang naging aksyon nito.
Ayon sa ibang netizens, wala namang masama sa ginawa nina Vice at Ion at mas malaswa pa umano ang mga kilos nina Joey De Leon at Tito Sotto noong sila ay hosts pa ng Eat Bulaga, na hindi binigyang pansin ng MTRCB.
Sa kabilang banda, ang iilan naman ay pabor sa MTRCB dahil ayon sa kanila, hindi angkop ang aksyon ng mag-asawang Vice at Ion sa mga batang manonood.