Hindi natin maintindihan na sa kabila ng palagiang paghuhukay sa mga kalsada sa lungsod ng Maynila ay bakit patuloy pa rin ang malalim na pagbaha, partikular sa Taft Avenue.
May ilang buwan na rin ang nakalipas matapos magtiis ang mga motorista sa mahabang pila ng mga sasakyan lalo na tuwing rush hour dahil sa malaki at malalim na paghuhukay na ginawa malapit sa De La Salle University sa Taft Avenue.
Nang ito ay matapos, ginhawa na ulit ang naramdaman ng mga motorista dahil tuloy-tuloy na ang daloy ng mga sasakyan doon.
Ngunit nang pumasok ang tag-ulan, baha naman ang pumalit.
Tanong natin ay… para saan ba ang hinukay? ‘Di ba’t para ayusin ang drainage doon para maiwasan ang baha? Anyare?
Hindi lamang sa Taft Avenue ang mga pinaghuhukay na kalsada ngunit sa maraming bahagi ng Lungsod ng Maynila.
Pero sa oras na lumakas ang ulan at magtagal ang pagbuhos nito, baha pa rin.
Alam nating hindi natin mapipigilan ang ulan, na ‘ika nga sa awitin ni Regine Velasquez, “Buhos na ulan aking mundo’y lunuring tuluyan…”
Pero sa kabila ng paulit-ulit at taon-taong paghuhukay, heto’t lubog pa rin sa baha ang mga paa ng Manilenyo.
Maliban sa matinding traffic at kalbaryo sa pagsakay ng mga commuters tuwing baha, kinabukasan ay nagdudulot ito ng malalalim na lubak sa mga aspaltong inilagay sa mga kalsada na natigkal dahil sa pagkakababad sa tubig baha.
Naglalagay naman ito sa balag ng alanganin sa mga nagmamaneho ng motor dahil maaari itong maging sanhi ng aksidente at pagsemplang.
Nawa’y matutukan na ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH) o kaya ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Isang malaking kaginhawahan para sa mga Manileño ang isang maayos na kalsada na walang baha sa oras ng kanilang pagpasok at pag-uwi.
Maliban dito, isang matatag na lungsod na maituturing ang city na may maayos na kalsada.
Share ko lang… sabi nga ng Angkas driver na nasakyan ko, para daw syang dumadaan sa sungka matapos ang malalim na baha sa Maynila.
“Gagastos na lang rin lang ng kaban ng bayan, sana yung maayos at matibay na mga materyales na. Hindi yung tapal lang ng tapal. Mahilig sila sa pansamantala at ayaw ng pang-matagalan. Bakit? Syempre para kumikbak at kumita. Kaya malabong mangyaring umunlad ang Pilipinas!” sabi ni mamang Angkas driver.
Peace!