Tila hindi atat ang mga teams sa serbisyo ni Maverick Ahanmisi, ang beteranong gwardya na isa na ngayong maituturing na unrestricted free agent.
Ang unrestricted free agent ay nagbibigay pahintulot sa isang player na mamili ng team na kanyang gustong laruan matapos makapaglaro ng pitong seasons sa Philippine Basketball Association.
Nasa ika-walong taon na si Ahanmisi ng kanyang paglalaro sa kaunaunahang professional basketball league sa Asya.
Galing sa kanyang pinakamagandang season sa paglalaro sa PBA si Ahanmisi kung saan nag-average siya ng 19.9 points kabilang ang 40% shooting galing sa three-point area. May bunot din siyang 6.6 rebounds, naitalang 3.1 assists at nakumpletong 1.2 steals kada laro habang naglalaro sa Converge sa nakaraang Governors’ Cup.
Maganda man ang numero ni Ahanmisi, hindi pa rin siya ganung ka-popular sa mga fans, dahilan kung bakit hindi siya napasama sa PBA All-Star Game noong nakaraang season kung saan ang mga fans ang namimili ng mga maglalaro sa magkabilang koponan.
Wala pang malinaw na detalye kung saang team papunta si Ahanmisi na kasalukuyang nasa Estados Unidos at magbabalik sa Pilipinas sa Setyembre.