Sa nakaraang Philippine Basketball Association Governors’ Cup, malaki ang nagging papel ng legitimate National Basketball Association players na nagsilbing imports sa NLEX at dalhin ang koponan sa quarterfinal round.
Nagsimula ang Road Warriors na ibandera si Jonathon Simmons, na naglaro sa tatlong teams sa NBA – San Antonio Spurs, Orlando Magic at Philadelphia 76ers – at magandang simula ang ipakita nito para sa kanyang PBA team.
Apat na dikit na panalo kaagad ang ibinigay ni Simmons para sa kanyang koponan, pero dahil sa kontrata niyang pinirmahan sa China kung saan ang kanyang playing rights ay hawak ng Shanxi Loongs, hindi nagawang tapusin ng 6-foot-6, 33-year-old veteran ang kanyang kampanya sa Road Warriors at palitan ito ng isa pang matikas na NBA veteran – si Wayne Selden.
Apat na NBA teams and dating nilaruan ni Selden kung saan naging gwardya siya ng teams gaya ng New Orleans Pelicans, Memphis Grizzlies, Chicago Bulls at New York Knicks.
Kapwa solidong numero ang ipinamalas nina Simmons at Selden, dahilan para makapasok sa playoffs ang Road Warriors.
May average na halos 32 puntos kada laro si Selden, suba,it hindi nito nagawang tapusin ang kampanya matapos ma-injure ang kanyang paa bago ang simula ng kanilang quarterfinals showdown laban sa Ginebra.
Pero ang pagkuha sa mga high-caliber imports na gaya nina Selden at Simmons ang siyang naging batayan ng magandang kampanya ng team ni Coach Frankie Lim.
Ayon kay Lim, hangad ng kanyang koponan na muling makabingwit ng magandang kalidad na import bago magsimula ang PBA season na magpaparada ng mga reinforcements na may 6-foot-9 height limit.
“Hindi naman kasi kami kasinglakas ng San Miguel, Ginebra or TNT kaya naka-depende talaga sa import yung itatakbo ng team namin,” ang sabi ni Lim. “Ang mga local players, mas ganado yan kapag nakikita nila na kaya silang dalhin ng import kaya pupukpok sila hanggang sa huli.”
Wala pa silang napipiling import sa ngayon, pero may listahan na sila ng pinagpipilian at guston nilang masiguro na ang pinakamagaling ang kanilang madadala sa papalapit na kampanya.