Nabahala ang World Health Organization (WHO) sa paglaganap ng malaria sa siyudad ng Puerto Princesa at iba pang parte ng Palawan.
Palawan ang nag-iisang lugar sa bansa na kasalukuyang mayroong kaso ng malaria.
Mula Abril hanggang Hunyo ngayong taon ay may naitalang 31 malaria cases sa Barangay Irawan.
“Mas laganap pa rin ang malaria sa Southern Palawan. Gayunpaman, habang nakikita natin ang patuloy na pagbaba ng mga kaso ng malaria sa lungsod noon, tumataas ito muli ngayon,” pahayag ni Mayor Lucilo Bayron noong Lunes.
Ayon sa ulat ng Department of Health, 55% (17) ng kabuoang bilang ng mga kaso ay babae, at ang karamihan (24) ay nagmula sa Zone 14 ng Irawan.
Napag-alaman din na ang apektado ng malaria ay nasa edad isang buwan hanggang 50 taon.
Iminungkahi ni City Health Office (CHO) chief, Dr. Ric Panganiban na dahil sa agarang pagrespunde ng CHO sa mga kaso ng malaria sa Irawan ay madaling gumaling ang mga pasyenteng dinapuan ng sakit.
Ani Panganiban, ang target ng CHO ay ang tuluyang pagkawala ng mga kaso ng malaria.
(PNA)