Isang fractured injury na tinamo ng kanyang hinliliit na daliri ang naging dahilan para mabakante si Roger Pogoy, ang shooter ng TNT at Gilas Pilipinas na ilang buwang hindi makapaglaro.
Hindi niya nagawang makasama sa Southeast Asian Games sa Cambodia kung saan naiuwi muli ng Gilas Pilipinas ang gintong medalya at makabawi sa masakit na pagkatalo noong isang taon.
Muling bumabalik si Pogoy at bagamat hindi pa rin niya naibabalik ang dating porma mula sa injury na kanyang naranasan, patuloy pa rin ang pagsusumikap niya para makahabol sa mga nawalang oras.
Pero malaking tanong pa rin kung gaano siya ka-ready sa pagsisimula ng FIBA World Cup na magsisimula na 29 na araw na lang mula ngayon.
“Alalay lang muna ako. Pero kaya naman siguro,” ang sabi ni Pogoy.
“Day by day ako, tinitingnan ko talaga kung kaya,” dagdag pa ni Pogoy. “Medyo nakaka-frustrate kasi na-injure ka, pero ganun talaga eh. Ganun ang buhay ng atleta. Pero ngayon, sumasabay na ako talaga tapos conditioning rin sa legs, kasi three months akong nawala. Sana umabot pa.”
Ayon kay Pogoy, hindi pa niya kayang sumalo ng direktang malakas na pasa sanhi ng kanyang injury, na kinakailangang balutan ng tape.
Tanging mga bounce pass at hand offs lang ang puwede niyang kunin, pero nagagawa na niyang sumali sa mga shooting drills at contact drills, pero kailangan pa ring proteksyunan ang na-injure na parte ng kanyang daliri.
“Tina-try ko naman sa scrimmage, kaso minsan naiilang ako. Galing kasi sa injury tini-tape ko lang naman,” dagdag pa ni Pogoy.
Miyembro si Pogoy ng Gilas Pilipinas team simula pa noong 2017 at napabilang rin siya sa koponan na huling lumaro sa World Cup noong 2019 noong panahon na si Coach Yeng Guiao pa ang humahawak ng koponan.
Pero hindi pa rin nawawalaan ng pagasa si Pogoy na mapabilang sa World Cup team kaya naman sa kabila ng kanyang injury, patuloy pa rin siyang lumalaban sa pwestuhan kasama ang 15 pang miyembro ng Gilas pool.