Better connectivity ‘ika nga ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang susi sa pagkakaroon ng maayos na pamumuhay sa panahon ng digitisasyon.
Ngunit paano nga ba kung ang isang lugar, lalo na sa isang probinsyang hindi naman kalayuan sa Metro Manila ay usad-pagong pa rin ang koneksyon?
Bigyan nating halimbawa ang lalawigan ng Quezon, partikular sa bayan ng Guinayangan.
Nagkaroon ako ng pagkakataong masilayang muli ang aking mahal na bayan. Pero makalipas ang ilang taon, hayu’t ganun pa rin ang sitwasyon… malalang data connection at signal sa telepono.
Paano na lamang kaya ang mga nag-o-online business doon, na syang naging bentahe ng mga umusbong na negosyante sa Maynila noong panahon ng pandemya?
Kala ko ay makatitikim na ng pagbabago sa bagong pamumuno ng gobernadora ang aking mahal na probinsya. Isa kasi iyon sa kanyang naging campaign promise nang sya ay nangangampanya noong 2022 elections.
Isa pa ay kung paano makahihingi ng tulong ang isang taong may-sakit sa kanyang mga kapitbahay o kaanak kung pupugak-pugak ang koneksyon?
Hindi naman kalabisan ang hinihingi ng mga residente sa Quezon. Mabuting koneksyon lang, masaya na sila.
Samantalang ang mga kasama nitong probinsya sa Regional Group na CALABARZON, namely Cavite, Laguna, Batangas, at Rizal ay may maaayos na connectivity? Bakit sila nagawa nila?
Gobernadora… beke nemen!
Hawak nyo po ang probinsyang may pinakamalaking land area. Ayaw nyo ba nang pag-unlad?
Share ko lang. Sa isang panayam sa isang grupo ng contact centers o BPO companies, sabi nila ay wala sa kanilang listahan ang Quezon Province para pagtayuan ng mga contact center sites dahil sa poor connectivity, maliban pa sa issue ng insurgency at daanan raw kasi ito ng bagyo.
Pero nasa listahan ang Tacloban City na minsang hinagupit at pinadapa ng Super Typhoon Yolanda pero muling nakabangon.
So hindi na ako umimik kung bakit. Nanahimik na lang ako at nanatiling naawa sa lugmok na kalagayan ng lalawigang kinagisnan ko.
Ika nga ng Angkas driver na nasakyan at nakausap ko na taga Quezon din… “nasa pamunuan talaga ang susi ng pagbabago at kaunlaran.” At yun daw ang rason kung bakit dito na lang sya nakipagsapalaran sa Maynila.
“Walang asenso dun sir, mamamatay kang mahirap dun,” ika pa nya.