Tinuldukan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang state of public health emergency dulot ng COVID-19.
Maraming tanong ang hindi pa nasasagot ng gobyerno kaugnay sa COVID-19.
Paano na ang multi-bilyong kuwestiyonableng kontratang pinasok ng Procurement Service -Department of Budget and Management (PS-DBM), inilista na lang ba ito sa tubig?
Tengang-kawali na lang ba ang gobyerno sa ipinaglalabang dagdag sahod ng health workers?
Panay ang ngawngaw ng pamahalaan sa “nursing crisis” daw sa bansa pero hindi nila isinasapubliko ang job vacancy sa public hospitals, talamak ang contractualization, at hindi itinataas ang suweldo nila para sana mapigilan mangibang bayan ang health workers.
Ang benepisyong Health Emergency Allowance (HEA) ng mga health workers, hanggang sa ngayon ay January 2023 pa lang ang natanggap sa mga pampublikong ospital sa rehiyon, ayon sa Health for the People Brigade -Metro Baguio.
May napanagot na ba sa controversial procurement ng Department of Education (DepEd) sa P2.4 bilyong halaga ng “outdated” laptops sa pamamagitan ng PS-DBM?
Maging ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ay pinagpapaliwanag ng COA hinggil sa biniling 866 laptops at 12,482 tablets Cybersafe Learning for Education (CLE) Phase 2 ay hindi naipamahagi matapos ang apat hanggang 17 buwan mula nang ito’y binili.
Ang P170-M halaga ng gadgets ay binili ng DICT noong 2020 sa Lex-Mar na ang negosyo ay general construction, ayon sa COA report noong 2021.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ipinababatid ng publiko ang tunay na halagang ginasta upang ipambili ng COVID-19 vaccine.
Sana’y hindi kasama sa pagwawakas ng pandemya ang mga katanungan kung paano ginugol ang pera ng bayan para tugunan ito.
Hindi ang mga logo at slogan ang kasagutan sa mga tanong ng mamamayan, ang kailangan ay pananagutan.