Iginiit ng aktres na si Sue Ramirez na wala siyang problema sa kapwa-aktres na si Maris Racal sa kabila nang mga alingasngas na kumakalat na magkaaway umano ang dalawa.
Ayon pa kay Sue, dahil sa mga tsismis na yun ay medyo nasira ang pagdiriwang niya ng kanyang kaarawan dahil binuweltahan niya ang mga nag-uungkat sa umano’y “falling out” ng dalawa.
“Hoy wag kang panira ng bday,” sey ni Sue sa isang netizen. “Ok kami imbento kayo. ‘Di pwede busy kami sa buhay at blessed kami sa work? Porke ‘di nagkikita di na magkaibigan? Ano ba yan?”
“Kakarindi kayo hahaha. Ok na? Malinaw na ba guys?” dagdag pa niya.
Sabi pa ni Sue, close pa rin sila ni Maris at kaya hindi na sila nakakapag-bonding lately ay dahil abala sila ngayon sa kanya-kanyang karera.
“O kayo pa din ang mas may alam at masusunod? Hahaha wag kayong BV. WALANG ISSUE, kayo lang gumagawa. Tama na ‘tong kalokohan na ‘to, hahaha,” sabi ng dalaga.
May isa pang netizen na umungkat na ang boyfriend ni Sue na si Victorias City Mayor Javi Benitez ang umano’y naging dahilan umano kaya nagkaaway sila ni Maris.
“Kahit magkatext kami ngayon? Haha walang gap na naganap. Hindi kayo pwede magsabi niyan dahil nago-observe lang kayo. Ako na nga nagsasabi ayaw niyo padin paniwalaan parang mas marunong pa kayo. Do not insinuate na naaayon lang sa gusto at mere observation niyo lang,” sabi ni Sue.
Bukod diyan ay pinabulaanan din ng aktres ang usap-usapang hindi niya inimbita si Maris sa kanyang birthday party at ipinaliwanag na kagagaling lang ng huli sa bakasyon sa Europe.
“She just came back from Europe and hindi dahil hindi siya pumunta, galit na ako o masama ang loob ko,” sabi ng dalaga. “Hindi ako mababaw at hindi mababaw ang mga nabubuo kong pagkakaibigan para masira ng ganun lang. Mahaba pa ang buhay.”
“Madami pang bday at pagkakataon. Now, stop this nonsense,” dagdag pa niya.